Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Classic diversionary tactics!’ Jinggoy, binasura ang testimonya ni Bernardo

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-16 15:18:46 ‘Classic diversionary tactics!’ Jinggoy, binasura ang testimonya ni Bernardo

NOBYEMBRE 16, 2025 — Muling binatikos ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang mga paratang na nag-uugnay sa kanya sa umano’y iregularidad sa mga proyekto ng flood control, matapos lumutang ang bagong testimonya mula sa dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, inilahad ni dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo ang umano’y koneksiyon ni Estrada at dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kontrobersyal na flood control projects. Ang kanyang pahayag ay sinabing tumutugma sa mga naunang affidavit ng dating assistant district engineer na si Brian Hernandez.

Mariin namang itinanggi ni Estrada ang lahat ng akusasyon. Sa kanyang pahayag, binigyang-diin niyang walang batayan ang mga alegasyon at malinaw na taktika lamang ito upang ilihis ang atensyon ng publiko.

“Then and now, it has always been easy for them to drag my name through the mud. These are classic diversionary tactics, and the Filipino people can no longer be deceived,” ani Estrada. 

(Mula noon hanggang ngayon, madali para sa kanila na dungisan ang aking pangalan. Ito ay klasikong panlilinlang, at hindi na malilinlang ang sambayanang Pilipino.)

Dagdag pa ng senador, walang katotohanan ang sinasabing tumanggap siya ng porsyento mula sa mga proyekto. Aniya, walang ebidensiyang sumusuporta sa ganoong paratang.

Binanggit din ni Estrada ang umano’y magkasalungat na affidavit ni Bernardo. Sa una, wala raw direktang pag-uugnay sa kanya, ngunit sa ikalawa ay biglang lumitaw ang mga bagong detalye.

“Sa una niyang affidavit, malinaw na hindi niya binanggit ang anumang direktang pag-uugnay sa akin. Ngunit sa pangalawang affidavit, bigla at misteryosong lumitaw ang mga bagong paratang — mga detalyeng hindi niya nabanggit noon, kahit mayroon naman siyang sapat na pagkakataon,” giit ni Estrada.

Ayon kay Estrada, ang mga ganitong kontradiksyon ay nagpapakita ng kahina-hinalang motibo at nagpapabagsak sa kredibilidad ng testimonya.

“These glaring inconsistencies, omissions, and later embellishments cast serious doubt on the truthfulness, reliability, and motives behind his statements,” dagdag pa niya. 

(Ang mga lantad na hindi pagkakatugma, mga kakulangan, at dagdag na detalye ay nagdudulot ng matinding pagdududa sa katotohanan, kredibilidad, at motibo ng kanyang mga pahayag.)

Binigyang-diin ng senador na wala siyang kinalaman sa anumang anomalya sa flood control projects o sa paglalagay ng insertions sa pambansang budget.

“I have always acted with integrity as a legislator, and I remain committed to transparency and accountability in all my public duties,” ani Estrada. 

(Palagi akong kumilos nang may integridad bilang mambabatas, at nananatili akong tapat sa transparency at pananagutan sa lahat ng aking tungkulin.)

Sa huli, iginiit ni Estrada na ang katotohanan lamang ang mananaig. 

“Ang katotohanan ay iisa lamang — hindi ito nababahiran, hindi ito nababaluktot. At sa bandang huli, ang katotohanan at pawang katotohanan lamang ang mananaig,” aniya.



(Larawan: Senate of the Philippines| Facebook)