Diskurso PH
Translate the website into your language:

Duterte camp, itinaboy ng INC sa Luneta

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-16 16:51:26 Duterte camp, itinaboy ng INC sa Luneta

NOBYEMBRE 16, 2025 — Hindi pinayagang makapasok ang mga tagasuporta ng pamilya Duterte sa malaking pagtitipon ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Luneta nitong Linggo, dahilan upang ilipat nila ang kanilang pagkilos sa Liwasang Bonifacio.

Ayon kay Daniel Nobleza, tagapagsalita ng Reforma Filipina at Hakbang Maisug, mariing tumanggi ang INC na isama ang kanilang grupo sa programa sa Luneta dahil dala nila ang panawagang “BBM resign.”

“Triny namin na gumawang liham para magpaalam sa ating mga kapatid sa Iglesia ngunit mariing nilang tinututulan na kami ay makapasok sa loob lalo’t may nakalagay na ‘BBM resign’ dahil meron silang sariling programa,” ani Nobleza. 

Dagdag pa niya, nauunawaan nila ang desisyon ng INC ngunit hindi sila titigil sa panawagang bumaba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

“Kami naman po, naiintindihan namin ang sitwasyon kaya sinusunod namin kung ano po ang gusto nila. Basta kami, patuloy ang panawagan namin na bumaba na si Pangulong Bongbong Marcos,” wika ni Nobleza. 

Bago tumungo sa Liwasang Bonifacio, nagtipon muna ang grupo sa Plaza Salamanca at sa kanto ng Taft Avenue at Kalaw Avenue.

Batay sa tala ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot na sa humigit-kumulang 130,000 katao ang dumalo sa Quirino Grandstand bandang alas-tres ng hapon.



(Larawan: Reddit)