Ikatlong biktima sa nangyaring sunog sa ‘Pagbilao Power Plant’, pumanaw na
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-16 23:22:06
PAGBILAO, Quezon — Umabot na sa tatlong manggagawa ang nasawi matapos pumanaw ang isa pang biktima ng sunog sa Pagbilao coal-fired power plant noong Oktubre 31, ayon sa Pagbilao Energy Corporation (PEC).
Kinilala ang pinakahuling nasawi na si Alvin Subeldia, kontratista ng Kapit-Bisig Ugnayan Multi-purpose Cooperative. Pumanaw siya habang ginagamot sa The Medical City sa Pasig dahil sa matinding pinsala na tinamo sa sunog na sumiklab sa Unit 3 ng planta sa Barangay Ibabang Polo, isang lugar na nakaharap sa Tayabas Bay.
Ang insidente noong Oktubre 31 ay nagresulta sa agarang pagkamatay ng isang manggagawa at pagkakasugat ng siyam pang iba. Noong Nobyembre 6, nasawi rin si Michael Castillo, miyembro ng PEC operations team, habang ginagamot sa St. Luke’s Medical Center.
Ayon sa PEC, limang manggagawa pa ang kasalukuyang nasa ospital at patuloy na ginagamot, habang dalawa naman ang nakalabas na at nagpapagaling na.
Kasunod ng trahedya, naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Work Stoppage Order para sa Unit 3 noong Nobyembre 7. Sinunod ito ng PEC at tiniyak na mananatiling tuloy-tuloy ang sahod at benepisyo ng lahat ng empleyado at kontratista na apektado ng operasyon.
Nakikipagtulungan ngayon ang kumpanya sa Bureau of Fire Protection (BFP) para sa masusing imbestigasyon hinggil sa tunay na pinagmulan ng sunog. Samantala, nananatiling fully operational ang Units 1 at 2, habang naka-forced outage ang Unit 3 habang isinasagawa ang imbestigasyon. (Larawan: Leynmart Muhi / Facebook)
