Mahigit P16-milyon halaga ng shabu, nasamsam sa Leyte — Mag-live-in partner, arestado
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-16 23:51:40
PALO, LEYTE — Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit P16 milyon na halaga ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu sa matagumpay na buy-bust operation sa Barangay Guindapunan, Palo, Leyte.
Ayon sa ulat ng PDEA, nahuli sa operasyon ang dalawang hinihinalang drug personalities na kinilalang sina alias Ana, 23-anyos, at ang kanyang live-in partner na si alias Buding, 34-anyos. Ang operasyon ay pinangunahan ng PDEA Cebu Provincial Office sa pakikipagtulungan ng Leyte Police Provincial Office at Naval Forces Central.
Sa operasyon, nasamsam ang 21 pakete ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 2.4 kilo at may market value na P16,320,000. Nakumpiska rin ang buy-bust money, dalawang digital weighing scale, dalawang cellphone, at iba pang non-drug evidence.
Ayon kay PDEA-7 Regional Director Joel Plaza, matagal nang minamanmanan ang dalawang suspek dahil sa kanilang umano’y aktibong pagkakasangkot sa bentahan ng iligal na droga sa rehiyon.
Inaasahang sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) ang dalawang naaresto. Patuloy naman ang imbestigasyon ng PDEA at mga kaagapay na ahensya upang matukoy ang mas malawak pang operasyon na posibleng konektado sa dalawang suspek.
Dagdag ng PDEA, nagpapatuloy ang kanilang kampanya kontra iligal na droga upang masugpo ang bentahan at distribusyon nito sa bansa. (Larawan: PDEA / Facebook)
