Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga petsa ng cash delivery ni Zaldy Co, taliwas sa sariling kwento — Lacson

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-16 13:04:37 Mga petsa ng cash delivery ni Zaldy Co, taliwas sa sariling kwento — Lacson

NOBYEMBRE 16, 2025 — Nagbukas ng panibagong tanong ang mga petsa ng umano’y “cash deliveries” ni dating House Appropriations Committee chairperson Zaldy Co, matapos matukoy na hindi tugma ang mga ito sa kanyang sariling salaysay hinggil sa P100 bilyong “insertions” sa 2025 national budget.

Sa inilabas na video, ipinakita ni Co ang mga litrato ng maleta na tinaguriang “cash out,” kalakip ang bilang at petsa ng paglabas ng pera. Kabilang sa mga nakasaad na petsa ang Enero 8, Mayo 1, Hunyo 3, at Hunyo 27, 2024. 

Ang mga petsang ito ay mas maaga pa kaysa sa sinasabing tawag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman noong Nobyembre 2024, kung saan umano’y inatasan si Co na magpasok ng P100 bilyon sa budget.

Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee chairperson Panfilo Lacson, malinaw ang pagkakasalungat. 

“While he talks of the 2025 GAA, several dates of the supposed deliveries were done in 2024 which obviously contradicts his narration about the insertions in the 2025 GAA,” aniya. 

(Habang tinutukoy niya ang 2025 GAA, ilang petsa ng umano’y deliveries ay ginawa pa noong 2024 na malinaw na sumasalungat sa kanyang salaysay hinggil sa insertions sa 2025 GAA.)

Sa hiwalay na video, sinabi ni Co na matapos maaprubahan ang 2025 budget, nagtanong siya sa Department of Public Works and Highways kung magkano ang “SOP” para sa Office of the President. 

“After ng approval sa budget sa General Appropriations Act of 2025, nagtanong po ako sa DPWH kung magkano ang kailangan na ibigay sa Office of the President o ang SOP na bigayan. Sinagot sa akin ay 25%. Ang ibig sabihin nito 25% ng P100 billion ang SOP na kailangan ibigay kay BBM mismo. In total, P25 billion ang napunta kay Pangulong Bongbong Marcos,” wika ni Co.

Itinuro rin ni Co na may mga cash deliveries umano sa tirahan ni Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez. Gayunman, nanawagan si Lacson na gawin ni Co ang kanyang testimonya sa ilalim ng panunumpa upang magkaroon ng bigat at kredibilidad.

Matatandaang nagbitiw si Co bilang kongresista noong Setyembre at hindi pa bumabalik sa bansa, matapos akusahang utak sa bilyon-bilyong pisong flood control at iba pang infrastructure insertions sa 2025 budget.



(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)