Tingnan: Infanta, magtatayo ng bagong ‘welcome arch’ sa boundary ng Quezon-Laguna nang walang gastos sa bayan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-16 23:59:19
INFANTA, QUEZON — Inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Infanta ang Resolution No. 296, s. 2025 na naglalayong gibain ang lumang municipal arch sa Km. 90, Brgy. Magsaysay at magtayo ng bagong welcome arch sa tamang boundary ng Hilagang Quezon at Laguna. Ang hakbang ay tugon sa kahilingan ng Alternergy Tanay Wind Corporation (ATWC) at GEPDI upang ligtas na maihatid ang oversized turbine components para sa Tanay Wind Project, matapos makumpleto ang kinakailangang permit mula sa DENR at DPWH.
Upang makuha ang pinaka-angkop na disenyo, naglunsad ang LGU Infanta ng Municipal Arch Design Contest para sa mga residente na edad 18 pataas. Ayon sa patakaran, dapat ipakita sa disenyo ang kulturang Infantahin at isama ang pariralang “Mabuhay ka Infanta” at ang opisyal na municipal logo. Magkakaroon ng premyong mula ₱50,000 hanggang ₱5,000 para sa mga mananalo, na magbibigay inspirasyon sa mga lokal na talento na ipakita ang kanilang kakayahan sa sining at arkitektura.
Nilinaw ni Mayor L.A. Ruanto na walang gastos sa bayan dahil ang Tanay Windmill Project mismo ang sasagot sa buong konstruksyon ng bagong arko. Dagdag pa niya, mahalaga ang proyekto hindi lamang sa transportasyon ng mga turbine components kundi pati na rin sa pagpapatibay ng pag-angkin ng Infanta sa boundary area, lalo na sa gitna ng kasalukuyang usapin sa Sta. Maria, Laguna.
Ayon sa LGU, inaasahang magiging simbolo ng pagkakakilanlan, kultura, at turismo ng bayan ang bagong arko, na magpapakita ng progreso at pakikipagtulungan sa mga pribadong sektor. Inaasahang matatapos ang proyekto sa loob ng susunod na buwan, na magiging bahagi ng pangmatagalang plano ng Infanta para sa urban development at pagpapalakas ng lokal na turismo. (Larawan: Municipality of Infanta / Facebook)
