Tingnan: Tinatayang 650,000 na ang tao sa Quirino Grandstand para gagawing ‘peace rally’ ng Iglesia Ni Cristo (INC)
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-16 23:09:38
MANILA — Patuloy na lumalaki ang bilang ng mga dumadalo sa idinaraos na peace rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand, kung saan umabot na sa 650,000 ang crowd estimate as of 6 PM, ayon sa Manila Police District (MPD).
Batay sa initial crowd monitoring ng MPD, nagsimula ang pagdagsa ng mga deboto at supporters mula pa kaninang hapon, at lalo pang siksikan ang mga tao pagsapit ng gabi habang nagpapatuloy ang programa. Ayon sa pulisya, inaasahan pang madaragdagan ang bilang dahil marami pang grupo mula sa iba’t ibang lungsod ng Metro Manila at karatig-probinsya ang papunta sa lugar.
Ipinahayag ng MPD na naka-full deployment ngayon ang kapulisan sa paligid ng lugar upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga kalahok. Naglatag din ng karagdagang traffic rerouting, checkpoints, at foot patrols upang maiwasan ang anumang aberya habang tumataas ang volume ng tao sa lugar.
Ayon sa organizers, layunin ng peace rally na ipanawagan ang pagkakaisa, katahimikan, at pananatiling matatag ng pananampalataya sa gitna ng iba’t ibang hamon na kinakaharap ng bansa. Nakapwesto rin ang medical teams, volunteer groups, at emergency responders upang tumulong sa crowd management at agarang tugon sa mga posibleng insidente.
Samantala, pinayuhan ng MPD ang publiko na umiwas muna sa mga lugar malapit sa Quirino Grandstand kung hindi kinakailangang dumaan dito, lalo na’t inaasahang magpapatuloy ang malaking pagtitipon hanggang gabi.
Patuloy ang monitoring ng awtoridad at maglalabas pa ng karagdagang updates hinggil sa crowd situation sa mga susunod na oras.
(Larawan: Manila PIO / Facebook)
