Diskurso PH
Translate the website into your language:

Co: ‘Tinakot ako ni Romualdez, sinabing ipapabaril ako pag nagsalita’

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-17 08:18:11 Co: ‘Tinakot ako ni Romualdez, sinabing ipapabaril ako pag nagsalita’

MANILA — Sa ikatlong bahagi ng kanyang video exposé, muling bumanat si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa mga matataas na opisyal ng gobyerno, sa pagkakataong ito ay tahasang inaakusahan sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez ng pagtanggap umano ng ₱56 bilyon mula sa mga maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Co, "Ang sinasabi nilang halaga sa ICI (Independent Commission on Infrastructure) ay P21 billion. Hindi po totoo ’yan. Ang totoong numero ay P56 billion at ang halagang ’yan ay kay Pangulong Bongbong Marcos at Martin Romualdez napunta lahat".

Binatikos din ni Co ang dating district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Henry Alcantara, na una nang nagsabing si Co ang tumanggap ng ₱21 bilyon. Giit ni Co, hindi siya ang nakinabang kundi ang dalawang mataas na opisyal ng gobyerno.

Sa parehong video, isiniwalat din ni Co na tinakot umano siya ni Romualdez noong Marso 2025. Aniya, "As early as March 2025, the Speaker hinted to me in our meeting that he will shoot me if I talk," at idinagdag pa niya na binalaan siyang huwag nang bumalik sa Pilipinas dahil maaaring ipa-“rubout” siya o ipapatay sa kamay ng pulisya.

Tumanggi namang sagutin ni Pangulong Marcos Jr. ang mga paratang. Sa isang panayam, sinabi niya, "I don’t want to even dignify what he was saying".

Ang mga rebelasyon ni Co ay inilabas kasabay ng isinasagawang tatlong araw na anti-corruption rally ng Iglesia Ni Cristo sa Luneta, na sinasabing sumusuporta sa panawagan para sa pananagutan ng mga sangkot sa umano’y P100 bilyong budget insertions at ghost flood control projects sa Bulacan.