Gatchalian: Bernardo ibinalik na ang nakaw na pera, humihirit maging state witness
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-17 13:30:31
MANILA — Kinumpirma ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na ibinalik na umano ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo ang perang ninakaw niya mula sa gobyerno, kasabay ng kanyang paghingi ng tawad at pagsisikap na maging state witness sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng flood control kickback scheme.
Sa panayam sa dzBB nitong Linggo, sinabi ni Gatchalian, "First of all, Bernardo made a public apology; there’s remorse. Second, he returned the money he stole. Third, he’s here, he faced the problem. Just like the others applying to become a state witness, he’s here in the country. That’s a big difference."
Nang tanungin kung talagang naibalik na ang pera, sagot ng senador, "At the very minimum, Mr. Bernardo is here in the Philippines; he did not run. I saw in his statement that he had remorse, or he was asking for forgiveness from the people. And he returned what he had stolen."
Si Bernardo ay isa sa mga pangunahing testigo sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y P100 bilyong anomalya sa flood control projects. Sa pagdinig noong Nobyembre 14, emosyonal na isiniwalat ni Bernardo ang umano’y sistematikong korapsyon sa loob ng DPWH, at pinangalanan ang ilang opisyal na sangkot sa kickback scheme.
Ayon kay Gatchalian, ang pagbabalik ng pera ay mahalagang hakbang para sa sinumang nais maging state witness. Bukod sa pagsisisi, kailangang may konkretong aksyon gaya ng restitution upang maipakita ang sinseridad sa pagtutuwid ng pagkakamali.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado sa flood control scam, kung saan kabilang sa mga iniimbestigahan ay ang mga umano’y ghost projects sa Bulacan at iba pang rehiyon.
