‘Kung sino pa ’yung tumetestigo para matunton ang mastermind ng korupsyon, sila pa ang ini-imbestigahan’ — INC spokesperson Bro. Edwil Zabala
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-17 23:53:50
MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng Iglesia ni Cristo (INC) ang umano’y pagbaligtad ng imbestigasyon sa mga anomalya sa gobyerno, kung saan ang mga whistleblower at testigo pa raw ang pinipiling imbestigahan at kasuhan, imbes na ang mga itinuturong nasa likod ng malakihang korupsyon.
Sa unang araw ng peace rally kontra katiwalian na ginanap sa Quirino Grandstand nitong Linggo, Nobyembre 16, binigyang-diin ng INC spokesperson na si Bro. Edwil Zabala na malinaw ang kanilang paninindigan: ang tunay na layunin ay ilantad ang katotohanan at papanagutin ang salarin — hindi ang pananahimik o pananakot sa mga naglalakas-loob magsiwalat.
Ayon kay Zabala, nakababahala ang lumalabas na pattern kung saan ang mga tumutulong magbigay-linaw sa bilyon-bilyong anomalya ay siya pang iniipit.
“Nakakabahala na kung sino pa ’yung tumetestigo para matunton ang mastermind ng korupsyon, sila pa ang iniimbestigahan, sila pa ang nais kasuhan!” aniya.
Dagdag pa niya, halata raw na may ilang personalidad na pilit na ikinukubli ang mga tunay na sangkot, habang galít pa sa mga naglalakas-loob magsalita.
“Saan po kayo nakakita na ’yung tumutulong sa imbestigasyon para mapalitaw ang puno’t dulo ng katakut-takot na nakawan sa gobyerno ang siya pang sinisiraan,” ani Zabala.
Nilinaw ng INC na ang kanilang pagtitipon ay hindi laban sa sinumang politiko o administrasyon, kundi isang tahasang panawagan para sa katapatan, transparency, at pananagutan, lalo na ngayong patuloy pang lumalalim ang mga usapin kaugnay ng flood control corruption scandal.
Nakatakdang magpatuloy ang serye ng peace rallies sa mga susunod na araw, bilang bahagi ng mas malawak na kilusan para itaguyod ang malinis na pamahalaan at tunay na hustisya para sa bayan. (Larawan: Eagle Broadcasting Corporation / Facebook)
