Diskurso PH
Translate the website into your language:

Matinding problema ng Burdeos, Quezon sa mga nasirang silid-aralan, idinulog ni Mayor Gonzales kay Senador Aquino

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-17 00:07:28 Matinding problema ng Burdeos, Quezon sa mga nasirang silid-aralan, idinulog ni Mayor Gonzales kay Senador Aquino

BURDEOS, Quezon — Dumalo at nakiisa si Mayor Gina Pera Gonzales sa First Educational Summit 2025 sa Bayan ng Infanta, Quezon nitong Sabado, Nobyembre 15, na ginanap sa Northern Quezon Auditorium, upang idulog ang matinding problema ng kanilang mga paaralan, partikular sa Calutcot Integrated School.

Ipinakita ni Mayor Gonzales kay Senador Bam Aquino ang tunay na kalagayan ng mga classroom sa isla, kasabay ng pagsusumite ng kanilang resolusyon na humihiling ng agarang tulong para sa mga bagong at karagdagang silid-aralan. Ayon sa resolusyon, halos lahat ng silid-aralan sa Calutcot Integrated School ay nangangailangan ng malaking pagkukumpuni. Dalawa lamang ang bagong tayong silid na maayos, samantalang marami ang may sirang kisame, wasak na pader, basag na bintana, at delikadong upuan. Ilang klase ang kasalukuyang nagaganap sa ilalim ng puno o sa pansamantalang lilim upang makalayo sa init at ulan.

Ang isla ay walang kuryente at direktang suplay ng tubig, kaya’t umaasa ang mga residente sa poso at maliit na solar light. Bukod dito, palagian ang pagdaan ng bagyo sa lugar, na labis na nakakasira sa paaralan at pasilidad. Sa kabila ng lahat, nananatiling matatag ang mga guro at mag-aaral, patuloy na pumapasok at nag-aaral sa kabila ng panganib.

Ayon kay Mayor Gonzales, malaking tulong ang personal na pag-uusap kay Senador Aquino dahil nailahad nila ang bawat concern ng bayan. Inaasahang magiging katuwang ang National Government upang masolusyonan ang kalagayan ng paaralan at maprotektahan ang kinabukasan ng mga batang Burdeoseño. (Larawan: LGU of Burdeos / Facebook)