Diskurso PH
Translate the website into your language:

Rally ng UPI sa EDSA, extended hanggang Nob. 17

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-17 11:01:30 Rally ng UPI sa EDSA, extended hanggang Nob. 17

NOBYEMBRE 17, 2025 — Sa kabila ng natapos na pagtitipon nitong Linggo, muling binigyan ng Quezon City local government unit (LGU) ng pahintulot ang United People’s Initiative (UPI) na ipagpatuloy ang kanilang pagtitipon sa People Power Monument ngayong Lunes, Nobyembre 17. Ang panibagong permit ay sumasaklaw mula alas-8 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi.

Kinumpirma ng Quezon City Police District (QCPD) na dumaan sa tamang proseso ang grupo bago makuha ang extension. 

Ayon kay Police Major Jennifer Gannaban, “Nag-apply po ulit sila sa QC LGU na inapprove naman, so bukas po November 17 from 8:00 am ulit sila until 10:00 pm.” 

Ipinaliwanag ni Gannaban na hiwalay na aplikasyon ang bagong permit matapos pumayag ang LGU na limitahan sa isang araw ang unang kahilingan ng UPI. 

“Panibago. Kasi 'yung una nila in-apply, although 3 days kasi 'yun through coordination nila at meeting, pumayag sila doon sa 1-day lang, but then ngayon kasi gusto nilang mag-extend,” aniya. 

Dagdag pa niya, nananatili ang parehong kondisyon sa permit: bawal ang mga pahayag na maaaring mag-udyok ng sedisyon at hindi pinapayagan ang pagmamartsa mula sa ibang lugar. 

“Bawal pa rin po 'yung mga seditious statements, bawal pa rin po 'yung marching from kung saan sila kasi kailangan nasa PPM na po sila na doon sa kanilang activities,” giit ng opisyal. 

Batay sa tala ng QCPD, umabot sa humigit-kumulang 4,000 katao ang dumalo sa rally nitong Linggo bandang alas-7 ng gabi. Inaasahan ng mga awtoridad na mas marami pa ang dadalo ngayong Lunes. 

“'Yun 'yung pinaka-peak nila at bukas ang ina-anticipate nila mas marami since nakita nila ngayon 'yung participant,” ayon kay Gannaban. 



(Larawan: YouTube)