Sandiganbayan pumayag: 6 kaso vs. Lao, Pharmally execs binawi ng Ombudsman
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-17 17:09:38
MANILA — Pinayagan ng Sandiganbayan ang kahilingan ng Office of the Ombudsman na bawiin ang anim na kasong katiwalian laban kina dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao at ilang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng mahigit ₱8 bilyong halaga ng COVID-19 supplies noong kasagsagan ng pandemya.
Sa resolusyong may petsang Nobyembre 7, kinatigan ng korte ang kapangyarihan ng kasalukuyang Ombudsman na si Jesus Crispin Remulla na baligtarin ang mga desisyon ng kanyang naunang pinuno, si dating Ombudsman Samuel Martires. Ayon sa korte, "Settled is the rule that a sitting Ombudsman has the power to revoke or alter the rulings of a predecessor within the bounds of law".
Ang mga kasong isinampa ay may kaugnayan sa procurement ng personal protective equipment (PPE), surgical masks, face shields, at RT-PCR test kits mula sa Pharmally noong 2020. Ang kompanya ay naging sentro ng kontrobersiya matapos mapag-alamang nakakuha ito ng bilyong pisong kontrata sa kabila ng pagiging maliit at kulang sa track record sa malalaking proyekto ng gobyerno.
Ang mosyon para sa withdrawal ng kaso ay inihain ni Remulla, na nagsabing kailangang repasuhin ang mga kasong isinampa ng kanyang sinundang Ombudsman upang matiyak na handa ang mga ito para sa paglilitis. Tinanggihan naman ng Sandiganbayan ang mga argumento ng depensa na ang hakbang ay bahagi ng umano’y “political persecution” o “malicious prosecution”.
Ang desisyong ito ay umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko at mga mambabatas, lalo na’t ang Pharmally scandal ay isa sa mga pinakamalaking isyu ng katiwalian na lumutang sa panahon ng pandemya.
