Tingnan: USAID at IOM, nag-abot ng tulong sa Cebu Province para sa mga biktima ng kalamidad
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-17 23:59:58
CEBU Province — Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang Cebu Provincial Government sa US Agency for International Development (USAID) at International Organization for Migration (IOM) matapos matanggap ang malaking donasyon ng mga emergency relief items para sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng sunod-sunod na kalamidad sa lalawigan.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Capitol, ang mga donasyong natanggap ay kabilang sa agarang tugon para matugunan ang pangangailangan ng mga evacuee at ng mga pamilyang nawalan ng tirahan, gamit, at pangunahing kagamitan dahil sa pinsala ng bagyo at pagbaha.
Kabilang sa mga relief items na ibinigay ng USAID at IOM ang: 150 modular tents, 23 hygiene kits, 400 solar lamps, 150 US family kits, 200 tarpaulins, at 250 shelter repair kits. Ang IOM, bilang bahagi ng United Nations System, ay matagal nang katuwang ng USAID sa pagbibigay ng humanitarian assistance sa mga apektadong komunidad.
Binanggit din ng probinsya na ang bawat US family kit ay kumpleto para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng isang pamilya sa evacuation center. Nilalaman nito ang: 2 unan, 1 kumot, 1 kettle, 5 tasa, 1 sandok, 5 tinidor, 5 kutsara, 1 thermos, 1 kulambo, 1 sleeping mat, 1 kawali, at 5 pinggan.
Ayon sa Capitol, malaking tulong ang mga kagamitang ito upang matiyak na may pansamantalang tirahan, sapat na ilaw, at pangunahing kagamitan ang mga apektadong pamilyang Cebuano habang nagpapatuloy ang kanilang pagbabangon mula sa pinsala ng mga kalamidad.
Pinangako rin ng lokal na pamahalaan na patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga international partners upang mas mapabilis ang rehabilitasyon at recovery ng buong lalawigan, at matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng kanilang mga mamamayan. (Larawan: Cebu Province / Facebook)
