Tulfo naglatag ng batas para sa BPO workers; ₱36k minimum wage itinutulak
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-17 13:30:32
MANILA — Inihain ni Senador Raffy Tulfo ang Senate Bill No. 1493 o ang “BPO Workers’ Welfare and Protection Act,” na layuning palakasin ang proteksyon at kapakanan ng mga manggagawa sa business process outsourcing (BPO) industry sa bansa.
Sa kanyang explanatory note, sinabi ni Tulfo, "This bill aims to uphold and safeguard the rights of many Filipinos, particularly those from the youth demographic, who seek immediate employment in BPO firms."
Binibigyang-diin ng panukala ang pangangailangang itaas ang antas ng proteksyon para sa mga manggagawang madalas ay exposed sa graveyard shifts, high-stress environments, at hindi pantay na benepisyo.
Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng panukala ang pagtakda ng minimum entry-level wage na ₱36,000 para sa lahat ng BPO workers sa buong bansa. Nakasaad din sa panukala na ang mga trainee ay awtomatikong ituturing na regular na empleyado kapag pinayagang magtrabaho matapos ang anim na buwang probationary period, o matapos ang training kung ito ay mas maikli.
Saklaw rin ng panukala ang pagkakaloob ng medical benefits, social protection programs, at pagpapalakas ng labor standards na nakasaad sa Labor Code, kabilang ang karapatan sa makataong kondisyon sa trabaho, seguridad sa trabaho, at patas na sahod.
Bukod dito, awtomatikong isususpinde ang trabaho sa mga BPO company kapag may bagyo, lindol, sunog, o iba pang sakuna.
Ang BPO industry ay isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng trabaho sa Pilipinas, na may milyon-milyong Pilipino ang umaasa rito para sa kabuhayan.
Sa pamamagitan ng panukalang ito, umaasa si Tulfo na mas mapapalakas ang proteksyon at kapakanan ng mga manggagawa sa sektor na ito.
