Zubiri, ginawaran ng pinakamataas na parangal ng Japan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-17 19:41:40
NOBYEMBRE 17, 2025 — Sa isang seremonya sa Imperial Palace noong Nobyembre 11, 2025, ginawaran si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ng Grand Cordon of the Order of the Rising Sun, ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng Japan sa isang dayuhan. Personal itong ipinagkaloob ni Emperor Naruhito, habang binasa ang citation ng bagong punong ministro ng Japan na si Sanae Takaichi.
Sa kanyang pahayag matapos tanggapin ang parangal, sinabi ni Zubiri, “I accept the Grand Cordon of the Order of the Rising Sun from the Government of Japan with deep gratitude and humility, and I take it as a recognition of the deep friendship between our two nations more than the efforts of one individual.”
(Buong pasasalamat at pagpapakumbaba kong tinatanggap ang Grand Cordon of the Order of the Rising Sun mula sa Pamahalaan ng Japan, at itinuturing ko itong pagkilala sa malalim na pagkakaibigan ng ating dalawang bansa higit pa sa ambag ng isang tao.)
Dagdag pa niya, “We also understand that with an award of this stature comes a higher bar for accountability, and we intend to meet that bar by being even more careful, open, and consistent in explaining how our work with Japan serves our people.”
(Nauunawaan namin na kaakibat ng ganitong uri ng parangal ang mas mataas na pamantayan ng pananagutan, at sisikapin naming tugunan ito sa pamamagitan ng mas maingat, bukas, at tuloy-tuloy na pagpapaliwanag kung paano nakatutulong sa ating mamamayan ang pakikipag-ugnayan sa Japan.)
Sa parehong seremonya, ipinaabot ni Emperor Naruhito ang kanyang pakikiramay sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Tino at Uwan sa Pilipinas.
Ayon kay Zubiri, “The Emperor’s heartfelt words reflect the special regard and concern that the Japanese people have for our country.”
(Ang taos-pusong mga salita ng Emperor ay nagpapakita ng natatanging malasakit ng mga mamamayan ng Japan para sa ating bansa.)
Binanggit din ng senador na ang pagkalingang ito ay nakikita sa agarang tulong na ibinibigay ng Japan tuwing may kalamidad.
Sa 104 na dayuhang ginawaran ng dekorasyon ngayong Autumn 2025, walo lamang ang nakatanggap ng Grand Cordon. Kabilang dito sina dating Punong Ministro ng Vietnam Nguyen Tan Dung at dating Punong Ministro ng Kuwait Sheikh Nasser Al-Mohammed Al-Ahmed Al-Sabah. Pinakabata si Zubiri sa edad na 56 sa hanay ng mga tumanggap.
Bilang pangulo ng Philippines-Japan Parliamentarians Association, matagal nang itinulak ni Zubiri ang mas malalim na kooperasyon sa seguridad, depensa, kalakalan, turismo, at kultura. Noong siya’y Senate President, isinulong niya ang Reciprocal Access Agreement sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at Self-Defense Forces ng Japan, gayundin ang mga batas na nagbigay-daan sa mas maraming pamumuhunan ng mga Hapon sa bansa.
Ayon sa kanya, nakalikha ito ng libo-libong trabaho para sa mga Pilipino. Bukod dito, naging aktibo rin siya sa pagpapatibay ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at sa pagpapalakas ng inter-parliamentary exchanges.
Noong 2023, pinangunahan ni Zubiri ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa 31st Meeting of the Asia-Pacific Parliamentary Forum. Siya rin ang nag-imbita kay dating Prime Minister Fumio Kishida upang magbigay ng policy address sa isang makasaysayang joint session ng Senado at Kamara.
Sa huli, binigyang-diin ni Zubiri: “It is galvanizing to be recognized by the Japanese Government for our efforts to strengthen bilateral relations between the Philippines and Japan.”
(Nakakapagpasigla ang pagkilalang ito mula sa pamahalaan ng Japan para sa ating pagsisikap na patatagin ang ugnayan ng Pilipinas at Japan.)
At dagdag pa niya, “This recognition is fuel. I feel even more committed to pursuing stronger partnerships that will benefit both of our peoples.”
(Ang pagkilalang ito ay nagsisilbing fuel. Lalo akong determinado na itaguyod ang mas matibay na pakikipag-ugnayan kung saan makikinabang ang dalawang bayan.)
(Larawan: Senator Migz Zubiri | Facebook)
