'Hindi ito asal ng isang tunay na kapatid': Sandro Marcos, bumwelta sa Tita Imee nya
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-18 09:05:57
MANILA - Sa inilabas na written statement, hindi itinago ni Sandro ang bigat ng kanyang saloobin. Ayon sa kanya, masakit para sa kanya na makita kung paanong “she has gone to the point that she resorts to a web of lies aimed at destabilizing this government to advance her own political ambitions.”
Mariin niyang tinuligsa ang umano’y pag-uulit ng senadora ng akusasyon laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Louise Araneta-Marcos, at maging sa kanya mismo. Aniya, “Sa lahat po ng binanggit ni senadora, walang basehan, walang katotohanan, at walang magandang idudulot sa bayan.”
Sinabi pa ng Majority Leader na ang mga pinsan niyang sina Borgy Manotoc, Ilocos Norte Vice Governor Matthew Marcos Manotoc, at Atty. Michael Marcos ang maaaring magpatunay na walang katotohanan ang ibinibintang sa kanya.
Dagdag ni Sandro, labag sa kanilang naging kasunduan na huwag idamay ang mga anak sa anumang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng kanilang mga magulang. “Nakalulungkot makita na ginagawa niya ito,” aniya, at binigyang-diin na ang umano’y pag-atake ay isang “pagkakanulo sa sariling pamilya.”
Umapela rin siya sa publiko na huwag magpapadala sa mga naratibong may layong guluhin ang bansa. “Panahon ngayon para magtulungan, hindi para magpalaganap ng gulo at destabilisasyon,” sabi pa niya.
Tinapos ni Sandro ang pahayag sa isang matigas na linya: “Hindi ito asal ng isang tunay na kapatid.”
Samantala, wala pang opisyal na tugon si Sen. Imee Marcos hinggil sa rebelasyong ito mula sa pamangkin.
