2 Malacañang execs, ibinulgar ni Lacson! Pangalan ni PBMM, ginamit umano para makakuha ng kickback
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-19 09:29:19
NOBYEMBRE 18, 2025 — Nagbunyag si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng umano’y malakihang operasyon sa loob ng Palasyo na nagresulta sa P52 bilyong kickback mula sa mga isiningit na pondo sa 2025 national budget. Sa kanyang interpellation sa deliberasyon ng panukalang 2026 budget, pinangalanan niya sina Department of Education Undersecretary Trygve Olaivar at Presidential Legislative Liaison Office Undersecretary Adrian Bersamin bilang mga opisyal na kumilos na para bang sindikato.
Ayon kay Lacson, ang dalawang undersecretary ay nagpasok ng hanggang P100 bilyon sa budget gamit ang pangalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang makapanghingi ng komisyon. Pareho nang nagbitiw sa puwesto sina Olaivar at Bersamin, kasunod ng pagbibitiw ni Executive Secretary Lucas Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Sa isang “urgent” na tawag, ikinuwento ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo kay Lacson na siya mismo ang humawak ng P52 bilyon mula sa mga isiningit na pondo. Sa kabuuan, P81 bilyon ang inilagay sa DPWH projects, habang P19 bilyon ang napunta sa iba pang ahensya.
“Napag-alaman ko from Undersecretary Bernardo na may mga tao sa Malacañang, not the President, not authorized by the President, who misrepresented him. I will name some of them,” ani Lacson.
Detalyado ang salaysay ni Bernardo: mula Marso hanggang Abril 2024, nagkaroon ng hindi bababa sa sampung beses na paghahatid ng pera gamit ang armored vans, bawat isa naglalaman ng P800 milyon hanggang P2 bilyon. Ang mga transaksiyon ay naganap sa basement ng Diamond Hotel sa Maynila.
Sa pinakamalaking delivery noong Marso 11, pinakiusapan pa raw ni Olaivar na ipagpaliban ang pickup dahil sa tensyon kaugnay ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sabi niya, ang pag-alam niya kasama si Usec Adrian Bersamin. P8B in at least 10 deliveries. The modus, yung arrangement nila is meron silang tig-isang armored van,” ani Lacson.
Dagdag pa ni Lacson, ayon kay Bernardo, ang kasunduan sa komisyon ay 15% ngunit itinaas sa 16% matapos magdesisyon si Olaivar na humingi ng dagdag na 1% para sa sarili. Ang mga detalye ay isinulat ni Bernardo sa isang handwritten note na ipinadala kay Pangulong Marcos noong Lunes ng hapon, kasabay ng anunsyo ng pagbibitiw nina Executive Secretary Bersamin at Pangandaman.
Binanggit din ni Lacson ang video series ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, na nagsabing siya mismo ang naghatid ng P25 bilyon kay Pangulong Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez. Bagama’t kinilala ni Lacson na totoo ang listahan ng P100 bilyon na isinama sa bicameral conference committee, kinuwestyon niya ang umano’y paghahatid ng P25 bilyon sa Pangulo.
"But yung sinasabi ni Zaldy Co sa social media as posted na nag-deliver siya ng P25 billion representing the 25% commission di umano para kay Presidente, that, I will attest na hindi totoo," ani Lacson.
Pinunto ni Lacson na kung si Marcos mismo ang nag-utos ng P100 bilyon na insertions, hindi lohikal na i-veto pa niya ang ilang proyekto. Sa listahan ng vetoed items, kabilang ang P250 milyon para sa cruise port sa Puerto Princesa, P800 milyon para sa government center sa Abra, at P100 milyon para sa riverbank project sa Cebu.
"Kung alam ni Pangulo at siya nag-utos na mag-insert ng P100B sa GAA sa bicam, bakit niya ibi-veto?" tanong ni Lacson.
Nagpaalala si Lacson sa mga opisyal na huwag abusuhin ang tiwala ng Pangulo.
“No matter how kind-hearted he is, let’s not take advantage. Yan po yung nakakasama ng loob,” aniya.
Dagdag pa niya, “Sometimes kala mo lulusot ka pero sooner or later it will catch up with you especially if you do it habitually.”
Binalaan din ng senador na ang ganitong iskandalo ay sumisira sa tiwala ng publiko at nakakaapekto sa ekonomiya. Bumagsak ang stock market at nag-aalinlangan ang mga mamumuhunan.
“It is time for officials to take responsibility,” ani Lacson.
(Panahon na para managot ang mga opisyal.)
(Larawan: Ping Lacson)
