City Health officer brutal na pinaslang; bangkay natagpuan sa loob ng van sa Jasaan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-18 09:05:55
MISAMIS ORIENTAL — Isang empleyado ng City Health Office ng Gingoog City ang natagpuang wala nang buhay at may mga saksak sa loob ng kanyang sasakyan sa bayan ng Jasaan, Misamis Oriental noong Sabado, Nobyembre 15.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima bilang si Downey Reyes Valdevilla Jr., 54 taong gulang, residente ng Barangay 15, Gingoog City, at kasalukuyang Administrative Officer ng Gingoog City Health Office. Ayon sa ulat ng Police Regional Office 10 (PRO-10), natagpuan ang bangkay ni Valdevilla sa loob ng kanyang Hyundai Starex van na kulay ginto, may plakang ZNW 693, na nakaparada sa gilid ng national highway sa Purok Cabulawan, Barangay Solana, Jasaan.
Batay sa imbestigasyon, nagtamo ng maraming saksak sa dibdib at leeg ang biktima. Ayon kay PRO-10 spokesperson Major Joann Navarro, huling nakita si Valdevilla noong Biyernes ng gabi habang bumibili ng alak sa Gingoog City. Nakuhanan din siya ng CCTV na dumadaan sa Claveria patungong Jasaan, na siyang rutang tinahak ng kanyang sasakyan.
Narekober sa loob ng sasakyan ang bote ng alak na binili ng biktima, ngunit nawawala ang kanyang cellphone, pera, at bag. Dahil dito, tinitingnan ng mga imbestigador ang posibleng motibong pagnanakaw sa krimen. Naniniwala rin ang mga awtoridad na pinatay muna ang biktima bago iniwan ang kanyang sasakyan sa lugar kung saan ito natagpuan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang mga salarin sa krimen. Hinihikayat ng PRO-10 ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon na maaaring makatulong sa paglutas ng kaso.
Ang insidente ay nagdulot ng pangamba sa mga residente ng Gingoog at Jasaan, lalo na’t isang opisyal ng lokal na pamahalaan ang naging biktima ng karumal-dumal na krimen.
