Dalawang ‘centenarian’ sa Maynila, personal na binigyan ni Mayor Isko ng ₱100,000 cash gift sa kanilang kaarawan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-18 23:22:22
MANILA, Philippines — Isang makabuluhan at masayang selebrasyon ang naganap sa Lungsod ng Maynila matapos personal na pangunahan ng lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng ₱100,000 cash gift sa dalawang centenarian na sina Lola Iluminada Serrano ng San Andres at Lola Rosita P. Lu ng Paco.
Sa pangunguna ng pamahalaang lungsod at ng Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pamumuno ni Director Beth Rivera, personal na inabot ang cash incentive bilang pagkilala sa kanilang mahabang buhay at mahalagang ambag sa kanilang pamilya at komunidad.
Ayon sa opisina ng alkalde, ang pagbibigay ng cash gift ay bahagi ng programang nakapaloob sa Centenarian Ordinance ng Maynila, na layuning tiyakin na ang mga nakatatandang residente ay nakatatanggap ng sapat na pagkalinga at suporta mula sa lokal na pamahalaan.
“Hangad po natin na mas humaba pa ang buhay ng ating mga mamamayan at maibigay sa kanila ang kanilang Minimum Basic Needs,” anang opisyal, na nagbahagi rin ng tuwa sa pagkakataong makausap at makadaupang-palad ang dalawang lola sa mismong kanilang espesyal na araw.
Lubos namang nagpasalamat ang mga pamilya ng centenarians sa biyayang natanggap, na anila'y malaking tulong para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at kalusugan.
Patuloy namang hinihikayat ng pamahalaang lungsod ang iba pang pamilyang may centenarian na i-coordinate ang kanilang dokumento sa OSCA upang matiyak na mapapasama sila sa programa. (Larawan: Sef Robrigado, Manila Public Information Office / Facebook)
