Diskurso PH
Translate the website into your language:

DepEd Usec. Trygve Olaivar, nagbitiw sa pwesto

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-18 20:22:50 DepEd Usec. Trygve Olaivar, nagbitiw sa pwesto

NOBYEMBRE 18, 2025 — Nagbitiw na sa tungkulin si Department of Education (DepEd) Undersecretary Trygve Olaivar matapos masangkot ang kanyang pangalan sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso. Kinumpirma ng DepEd media office na pormal nang naisumite ni Olaivar ang kanyang resignation letter sa Malacañang.

Sa isang pahayag, sinabi ni Dennis E. Legaspi, chief media relations officer ng DepEd, “We confirm that Undersecretary Trygve Olaivar has formally submitted his resignation to the Palace.” 

(Kumpirmado na pormal nang nagsumite ng pagbibitiw si Undersecretary Trygve Olaivar sa Palasyo.)

Hindi pa inilalantad ng ahensya ang dahilan ng kanyang pagbibitiw, at wala ring anunsyo kung sino ang hahalili sa kanyang posisyon.

Lumutang ang pangalan ni Olaivar sa mga pagdinig ng Senate blue ribbon committee hinggil sa mga proyektong flood control na umano’y ghost at substandard. Sa testimonya ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, sinabi niyang noong 2024 ay tinawagan siya ni Olaivar upang talakayin ang unprogrammed appropriations na sinasabing para sa Office of the Executive Secretary.

Ayon kay Bernardo, inutusan niya noon si DPWH Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara na maghain ng listahan ng mga proyekto na umabot sa halagang ₱2.85 bilyon. Idinagdag pa niya na matapos maisumite ang listahan kay Olaivar, sinabi umano ng huli na may “commitment” na 15%.

“Thereafter, the DPWH received a Special Allotment Release Order for PhP2.85 billion for the projects,” ani Bernardo. 

(Matapos noon, nakatanggap ang DPWH ng Special Allotment Release Order para sa ₱2.85 bilyong halaga ng mga proyekto.)

Dagdag pa niya, “Engineer Alcantara from time to time would collect and deliver the agreed 15% commitment to me which I delivered or cause to be delivered to Usec. Olaivar in Magallanes, Makati, and other places.” 

(Paminsan-minsan ay kinokolekta at dinadala ni Engineer Alcantara ang napagkasunduang 15% na ibinibigay ko o ipinadadala kay Usec. Olaivar sa Magallanes, Makati, at iba pang lugar.)

Noong Setyembre 25, agad na itinanggi ni Olaivar ang mga paratang.

“Earlier today, DPWH Usec. (Roberto) Bernardo mentioned my name in the Senate Blue Ribbon Committee hearing. I deny the allegations made and want to state clearly that I welcome any investigation regarding this matter.” aniya.

“Kanina, binanggit ni DPWH Usec. (Roberto) Bernardo ang aking pangalan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee. Itinatanggi ko ang mga paratang at nais kong ipahayag na bukas ako sa anumang imbestigasyon kaugnay nito.)

Sa sumunod na pagdinig, sinabi ni Bernardo na matagal na niyang kilala si Olaivar mula pa noong 2010 nang ito’y staff pa ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. Nabanggit din niyang nagtrabaho si Olaivar sa tanggapan ng yumaong Senador Edgardo Angara at kalaunan sa noo’y Senador Sonny Angara.

Inilahad ni Bernardo na may mga nakaraang transaksyon umano si Olaivar na kinasasangkutan ng 12% na bahagi mula sa mga proyekto ng Angara noong siya ang Senate Finance chair. Mariin naman itong pinabulaanan ni DepEd Secretary Sonny Angara.

“We reject any insinuation made today that we were involved in anomalous projects. In my 21 years in government we have never been involved in corruption,” giit niya.

(Mariin naming tinatanggihan ang anumang paratang na kami ay nasangkot sa mga maanomalyang proyekto. Sa loob ng 21 taon sa pamahalaan, kailanman ay hindi kami nasangkot sa korapsyon.)

Bilang resulta ng pagbibitiw, nananatiling nakabinbin ang tanong kung sino ang hahawak sa mga responsibilidad na iniwan ni Olaivar, habang patuloy ang imbestigasyon sa isa sa pinakamalaking kontrobersya sa imprastruktura ng bansa.



(Larawan: Philippine News Agency)