Hamon ni Imee: ‘Magpapa-DNA TEST ako, magpaHAIR FOLLICLE TEST sila’
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-18 16:16:06
MANILA — Sa gitna ng lumalalim na alitan sa pagitan ng mga miyembro ng First Family, naglabas ng matinding hamon si Senadora Imee Marcos sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamangkin na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos: isang DNA test para sa kanya, at hair follicle drug test para sa kanila.
Sa isang Facebook post nitong Martes, sinabi ni Imee, “Gustong paingayin ni Sandro ang usap-usapang hindi ako tunay na kapatid. Isa lamang ang solusyon: Magpapa-DNA TEST ako, magpaHAIR FOLLICLE TEST sila.”
Ang pahayag ay tugon sa banat ni Sandro na tinawag ang alegasyon ni Imee na gumagamit ng ilegal na droga ang Pangulo at ang First Lady bilang “hindi asal ng isang tunay na kapatid.”
Nag-ugat ang bangayan matapos ang talumpati ni Imee sa rally ng Iglesia Ni Cristo sa Quirino Grandstand noong Nobyembre 17, kung saan tahasan niyang inakusahan ang Pangulo, ang Unang Ginang, at ilang kaalyado ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Tinawag ni Imee ang mga ito bilang “addicts” sa harap ng libu-libong dumalo sa rally.
Samantala, sinabi ni Presidential Communications Secretary Dave Gomez na “rehash” na ang panawagan para sa hair follicle test. “Sabi ko nga, lumang tugtugin,” ani Gomez sa panayam. Dagdag pa niya, walang basehan ang mga paratang ni Imee at layunin lamang nitong sirain ang imahe ng Pangulo.
Sumali rin sa usapin si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, na muling nanawagan para sa mandatory drug testing sa lahat ng opisyal ng gobyerno. “This call is not new and not personal,” ani Duterte, na nagsabing sumailalim siya sa hair follicle drug test noong Oktubre 2024.
Sa kabila ng mga batuhan ng akusasyon, nanindigan si Imee na handa siyang patunayan ang kanyang pagkakakilanlan bilang tunay na Marcos, habang iginiit na dapat ding patunayan ng First Family ang kanilang kalinisan sa isyu ng droga.
Patuloy ang pag-aabang ng publiko sa magiging tugon ng Pangulo at ng Unang Pamilya sa hamon ni Imee, lalo na’t kasalukuyang umiinit ang mga isyu ng katiwalian at panawagan para sa transparency sa pamahalaan.
Larawan mula kay Senator Imee R. Marcos
