INC members kumontra sa tsismis: '₱3,000 bayad? Kalokohan!'
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-18 09:05:54
MANILA - Mariing pinabulaanan ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang kumakalat na alegasyon sa social media na sila ay binayaran ng ₱3,000 bawat isa upang dumalo sa malawakang rally kontra katiwalian na ginanap sa Quirino Grandstand sa Maynila noong Nobyembre 17, 2025.
Sa isang video compilation na inilabas ng opisyal na broadcast channel ng INC, ang INC News and Updates, ilang dumalo ang nagsalita upang pabulaanan ang paratang, at iginiit na ang kanilang pagdalo ay kusang-loob at bunga ng pananampalataya at tungkuling sibiko.
Ayon sa isang miyembro, “Wala pong bayad sa amin dito,” habang dagdag naman ng isa pa, “Ang dami pong kapatid na Iglesia Ni Cristo na nandito po ngayon. Tapos, ₱3,000 per head? Nagpapatawa po kayo. Sabi nga ng ibang kapatid dito, baka kami po ang magbigay sa inyo ng ₱3,000.”
Ang naturang video ay tugon sa mga post sa social media na nagsasabing may bayad ang mga dumalo sa rally, na ayon sa tala ng Manila Police District ay umabot sa tinatayang 650,000 katao sa pinakamataas na bilang.
Ang rally na pinamagatang “Rally for Transparency and a Better Democracy” ay isinagawa upang manawagan ng pananagutan sa pamahalaan sa gitna ng kontrobersiya sa flood control corruption scandal.
Nauna nang binigyang-diin ni INC spokesperson Edwil Zabala na ang rally ay hindi pulitikal kundi isang moral na paninindigan laban sa katiwalian. Aniya, “It did not need three days to achieve the goal of sending the message that we are calling for justice, accountability, transparency, and peace.”
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), ang unang araw ng rally ay “generally peaceful” at walang naiulat na insidente ng karahasan o kaguluhan.
Muling iginiit ng mga miyembro ng INC na ang kanilang presensya sa pagtitipon ay simbolo ng pagkakaisa at paninindigan, hindi dahil sa bayad. Bagama’t walang opisyal na pahayag ang simbahan maliban sa naturang video, malawak na ibinahagi at sinuportahan ito ng INC community.
Larawan mula kay Emil Marañon III
