Kampo ni Kitty Duterte, umapela sa Korte Suprema na maibalik si dating Pangulong Duterte sa Pilipinas
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-18 22:57:23
MANILA, Philippines — Umapela ang kampo ni Veronica “Kitty” Duterte sa Korte Suprema (SC) upang agad resolbahin ang consolidated petitions na humihiling na maibalik sa bansa ang kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na kasalukuyang nililitis sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Matatandaang noong Marso ay nagsumite ng magkakahiwalay na petisyon sina Kitty at ang kanyang mga kapatid na sina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte, upang kwestyunin ang umano’y “extralegal rendition” o iligal na pagkuha at paglabas ng bansa ng dating pangulo.
Sa kanilang pinakahuling apela, iginiit ni Kitty Duterte na nararapat lamang na pagbigyan ang kanilang panawagan upang mapanagot ang mga nasa likod ng sapilitang pagdadala sa dating pangulo sa ICC, at upang maiwasan pa ang anumang banta laban sa kalayaan ng sinuman nang walang due process.
Ayon sa kampo ng dating pangulo, ang insidente noong Marso 11, kung saan naaresto at dinala si Duterte sa The Hague, ay isang “dangerous precedent” umano na maaaring makaapekto sa soberanya ng bansa kung hindi agad aaksyunan.
Kasalukuyang nililitis si Duterte sa ICC para sa tatlong counts ng crimes against humanity na may kaugnayan sa tinaguriang war on drugs noong panahon ng kanyang administrasyon.
Samantala, wala pang inilalabas na komento ang Korte Suprema kaugnay sa pagsusumite ng apela, ngunit inaasahang maglalabas ito ng pahayag o aksyon sa mga susunod na linggo habang patuloy ang mainit na diskusyon sa legalidad ng pagbitbit sa dating pangulo papunta sa ICC. (Larawan: Instagram)
