Diskurso PH
Translate the website into your language:

Korte Suprema, tinanggihan ang TRO request ni Sen. Bato Dela Rosa laban sa umano’y ICC arrest warrant

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-18 23:14:50 Korte Suprema, tinanggihan ang TRO request ni Sen. Bato Dela Rosa laban sa umano’y ICC arrest warrant

MANILA, Philippines — Tinanggihan ng Korte Suprema (SC) ang “very urgent motion” ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na humihiling ng temporary restraining order (TRO) upang pigilan ang anumang pagpapatupad ng umano’y arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.

Sa isang press briefer na inilabas nitong Martes, Nobyembre 18, sinabi ng Supreme Court:
“The SC denied the Very Urgent Motion seeking to compel the production of the alleged ICC warrant.”

Ibig sabihin, hindi pinaburan ng korte ang kahilingan ng senador na pawalang-bisa o hadlangan ang posibleng pag-aresto, at hindi rin inutusang ilabas ng pamahalaan ang umano’y kopya ng ICC warrant.

Ang mosyon ni Dela Rosa ay inihain matapos ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla noong Nobyembre 11, kung saan sinabi nitong mayroon siyang unofficial copy ng naturang warrant sa kanyang cellphone. Nilinaw ni Remulla na hindi pa ito pormal na dokumento dahil kailangan nitong dumaan sa proper channels bago ito maipatupad o kilalanin ng anumang ahensya ng pamahalaan.

Magugunitang kabilang sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at ilang opisyal ng administrasyon nito, kabilang si Dela Rosa, sa iniimbestigahan ng ICC kaugnay ng tatlong counts ng crimes against humanity na may kinalaman sa war on drugs.

Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng karagdagang detalye ang Korte Suprema kung ano ang magiging susunod na hakbang kaugnay ng petisyon ni Dela Rosa. Samantala, nananatiling mainit ang diskusyon sa legalidad at epekto ng posibleng implementasyon ng anumang aksyon mula sa ICC sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. (Larawan: Sen. Ronald Bato Dela Rosa / Facebook)