Mayor Isko, nagpaabot ng pasasalamat sa Iglesia Ni Cristo sa malinis at maayos na pag-iwan sa pinagdausan ng ‘peace rally’
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-18 23:28:10
MANILA, Philippines — Ipinahayag ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) matapos nilang iwanang malinis at maayos ang lugar na pinagdausan ng kanilang peace rally sa Lungsod ng Maynila.
Ayon sa alkalde, muling ipinakita ng INC ang kanilang kilalang disiplina at paggalang sa pampublikong espasyo, bagay na lubos na pinahahalagahan ng pamahalaang lungsod. “Maraming salamat po sa mga kapatid natin mula sa Iglesia Ni Cristo sa muli ninyong pagpapakita ng kalinisan at kaayusan dito sa Lungsod ng Maynila,” pahayag ni Mayor Isko.
Binigyang-diin din niya na bukas ang lungsod para sa sinumang nais maghayag ng kanilang saloobin o hinaing, bahagi man ito ng karapatan sa malayang pagpapahayag. “Dito sa ating siyudad, welcome po ang lahat na gamitin ang kanilang karapatan na maghayag ng hinaing sa pamahalaan — iyan ay ating ginagalang at sinusuportahan,” dagdag pa ng alkalde.
Gayunpaman, nagpaalala si Mayor Isko sa lahat ng sektor at grupong magsasagawa ng pagtitipon na panatilihin ang kaayusan at huwag sirain ang mga pasilidad o pag-aari ng pamahalaan na pinondohan mula sa buwis ng taumbayan. Aniya, mahalagang pangalagaan ang mga imprastrakturang ito upang patuloy na makinabang ang mas nakararami.
Pinuri rin ng City Hall ang mabilis na paglilinis at organisadong pag-alis ng mga dumalo, na naging dahilan upang agad na maibalik sa normal ang daloy ng trapiko at aktibidad sa lugar. (Larawan: INC News and Updates / Facebook)
