Diskurso PH
Translate the website into your language:

Motibo ni Imee, patalsikin si PBBM para palitan ng 'Team Itim' — Malacañang

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-18 19:38:19 Motibo ni Imee, patalsikin si PBBM para palitan ng 'Team Itim' — Malacañang

NOBYEMBRE 18, 2025 — Binunyag ng Malacañang na ang layunin ni Senadora Imee Marcos sa pagbibitiw ng mabibigat na akusasyon laban sa Pangulo ay ang pagpapatalsik sa kanyang kapatid upang maisulong ang tinatawag na “Team Itim.”

Ayon kay Press Officer Undersecretary Claire Castro, malinaw ang direksyon ng senadora.

“Matanggal sa puwesto. Ano pa ba? Para i-angat ang kanyang ka-Team Itim. Yun lang naman yun e,” aniya.

Nang tanungin kung kasama rito si Bise Presidente Sara Duterte, tugon ni Castro, “Sino ba yung nasa campaign ads nila na Team Itim? Kung sino man ang kasama niya sa Team Itim, yun na yun.”

Matatandaang, sa pagtitipon ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand, diretsahang sinabi ni Imee na sangkot ang First Family sa paggamit ng ilegal na droga. Kinabukasan, agad naman itong itinanggi ng Presidential son at House Majority Leader Sandro Marcos, na tila may patutsada sa pagsabing hinid asal ng isang ‘tunay na kapatid’ ang ginawa ng tiyahin.

Sa kanyang Facebook post, hinamon ng senadora ang Pangulo. 

“Gustong paingayin ni Sandro ang usap-usapang hindi ako tunay na kapatid. Isa lamang ang solusyon: Magpapa-DNA test ako, magpa-hair follicle test sila,” paghamon niya.

Giit naman ni Castro, hindi kailangan ng panibagong drug test dahil nakikita sa trabaho ng Pangulo na nasa maayos siyang kalagayan.

Samantala, binansagan ni Presidential Communications Office chief Secretary Dave Gomez na rehashed lang ang panawagan para sa hair follicle test. 

“Sabi ko nga, lumang tugtugin na ito. Mas maraming importanteng bagay ang dapat tutukan ng ating Pangulo at ng ating pamahalaan, ng Kongreso, ng Senado, at ng executive department,” ani Gomez. 

Binalikan pa ni Gomez na noong kampanya sa 2021 ay sumailalim na si Marcos Jr. sa drug test. 

Dagdag pa niya, “Nakikita nila sa ngayon na mukang may pandemic of lies ... but I am confident and hopeful the truth will prevail.” 



(Larawan: YouTube)