Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pasabog ni Imee: BBM daw may 'matagal nang isyu sa droga' — Palasyo kumontra

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-18 09:05:45 Pasabog ni Imee: BBM daw may 'matagal nang isyu sa droga' — Palasyo kumontra

MANILA — Nagdulot ng matinding kontrobersiya ang naging pahayag ni Senadora Imee Marcos laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos siyang magsalita sa harap ng libu-libong dumalo sa anti-corruption rally ng Iglesia Ni Cristo sa Quirino Grandstand noong Lunes ng gabi.

Sa kanyang talumpati sa ikalawang araw ng tatlong araw na pagtitipon, tahasang sinabi ni Imee, “Bata pa lang kami ni Bongbong, alam na ng buong pamilya na ang problema sa kanya. Sa totoo lang, mababasa naman ng lahat ang testimonya ng aking ama patungkol sa kanyang ugali at gawain.” Ang kanyang pahayag ay sinalubong ng palakpakan ng tinatayang 600,000 katao, ayon sa tala ng Manila Police District.

Hindi nagtagal ay agad itong sinagot ng Malacañang sa pamamagitan ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, na tinawag ang akusasyon bilang isang “desperate move.” 

Sa kanyang vlog sa YouTube, sinabi ni Castro, “What is the reason behind the desperate move of Sen. Imee Marcos against her own brother and the First Lady? To malign them. It is baseless.” Dagdag pa niya, “We know her possible motive. Is it because the investigation on corruption is ongoing and her allies in the Senate may be affected?”.

Binigyang-diin din ng Palasyo na “rehashed” na ang isyu at matagal nang napatunayang walang basehan. Ayon kay Castro, si Pangulong Marcos ay sumailalim sa drug test sa St. Luke’s Medical Center noong 2021 at lumabas na negatibo ang resulta. “This is definitely a desperate move,” aniya pa sa kanyang vlog.

Hindi pa nagbibigay ng karagdagang pahayag si Pangulong Marcos ukol sa isyu, ngunit inaasahang lalabas siya sa isang press conference sa mga susunod na araw. Samantala, nananatiling tikom ang bibig ng First Lady na si Liza Araneta-Marcos, na isinangkot din ni Imee sa parehong akusasyon.

Ang bangayan sa pagitan ng magkapatid ay naganap sa gitna ng umiinit na imbestigasyon sa umano’y P100 bilyong flood control scam, kung saan si Senadora Marcos ay sinasabing may kaugnayan sa ilang mga testigong lumalaban sa administrasyon.

Sa kabila ng tensyon, nanindigan ang Palasyo na mananatiling nakatutok si Pangulong Marcos sa pamumuno at sa mga isyung mas mahalaga sa bayan. “The President will not be distracted by baseless accusations,” ani Castro.

Larawan mula INCTV