Diskurso PH
Translate the website into your language:

Recto nangako ng reporma bilang bagong Executive Secretary

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-18 09:05:52 Recto nangako ng reporma bilang bagong Executive Secretary

MANILA — Nangako si bagong talagang Executive Secretary Ralph Recto na paiigtingin ang mabuting pamamahala at isusulong ang mga reporma sa pamahalaan kasunod ng kanyang pagkakatalaga bilang kapalit ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin.

Sa isang ambush interview sa Senado habang dinidinig ang panukalang 2026 budget para sa Department of Finance at iba pang ahensya, sinabi ni Recto, “Surprised, yeah, but work has to continue. Essentially, I think the role of the ES is just governance, so taong bahay ka do’n.”

Nilinaw rin niya na hindi siya naniniwala sa bansag na “little President” para sa posisyon, aniya, “You know wala naman talagang little President eh. You cannot do miracles. But having said that, our job is to improve governance”.

Bilang dating kalihim ng Department of Finance, sinabi ni Recto na layunin niyang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng Philippine Development Plan 2023–2028. Kabilang sa kanyang mga prayoridad ang pagpapalakas ng transparency, pagpapatibay ng mga institusyon, at pagtiyak na ang bawat pisong ginagastos ng gobyerno ay may malinaw na benepisyo para sa mamamayan.

Ang kanyang pagkakatalaga ay kasunod ng pagbibitiw nina Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman dahil sa pagkakadawit ng kanilang mga tanggapan sa umano’y anomalya sa flood control projects. Ayon sa Malacañang, ang kanilang pagbibitiw ay ginawa “out of delicadeza” upang bigyang-daan ang mas malalim na imbestigasyon.

Sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian, nanindigan si Recto na ang gobyerno ay “reforming itself from within,” at binigyang-diin ang kahalagahan ng fiscal discipline at accountability. 

“We are not blind to the challenges, nor are we shaken by them,” aniya. “What you see today is not a leadership crisis, but a government reforming itself from within, led by a President who chose to be the whistleblower, not the apologist, of corruption”.

Sa mga darating na buwan, inaasahang pangungunahan ni Recto ang pagpapatupad ng mga reporma sa procurement systems, pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure, at pagpapalakas ng mga mekanismo ng pananagutan sa lahat ng antas ng pamahalaan.