Sana All!: Manila City Hall, mag-rerelease ng ₱317 million para sa year-end bonus at cash gift ng mga kawani ng lungsod
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-18 00:18:54
MANILA — Masayang balita para sa mga empleyado ng Manila City Hall! Inanunsiyo ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ngayong umaga, Nobyembre 17, ang pag-release ng ₱317 million para sa year-end bonus at cash gift ng mga kawani ng lungsod.
Ayon sa alkalde, bawat kwalipikadong empleyado, kabilang na ang nasa legislative offices, ay makatatanggap ng isang buwang year-end bonus at karagdagang ₱5,000 cash gift bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at serbisyo sa lungsod sa buong taon.
“I ordered the City Treasurer’s Office to release this afternoon ₱317,014,291.84, or ₱317 million, worth of year-end bonuses. At hindi lang bonus ‘yung nagawan natin ng paraan, kasama pa cash gift,” ani Mayor Isko.
Aniya pa, ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na bigyan ng suporta at motibasyon ang kanilang mga kawani, lalo na sa pagtatapos ng taon. Binanggit ng alkalde na ang mga bonus at cash gift ay paraan upang ipakita ang pagpapahalaga sa serbisyo ng bawat empleyado at masigurong may masayang kapaskuhan ang lahat.
Inaasahang makukuha ng mga kawani ang kanilang bonus at cash gift sa nalalapit na araw, habang ipinagpapatuloy ng lungsod ang iba pang programa upang palakasin ang welfare at kapakanan ng mga empleyado nito. (Larawan: Manila PIO / Facebook)
