Sotto binanatan ang DOH sa paglaganap ng supplements na ginagamit pampalaglag, illegal abortion ads
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-18 12:33:33
NOBYEMBRE 18, 2025 — Nagbabala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa patuloy na pagdami ng mga herbal at food supplement na umano’y ginagamit bilang pampalaglag, kasabay ng pag-usbong ng mga ilegal na serbisyo sa social media na lantaran nang nag-aalok ng abortion.
Sa plenary debates para sa P391 bilyong panukalang budget ng Department of Health (DOH) at mga attached agencies para sa 2026, binanggit ni Sotto ang produktong “Serpentina” na ibinebenta online. Ayon sa kanya, may mga kababaihang dinala sa ospital matapos gumamit nito, na nagdulot ng matinding komplikasyon.
“Aside from miscarriage, women who use Serpentina to induce bleeding have been admitted to the hospital due to multiple organ failure … leading to their demise,” ani Sotto.
(Bukod sa miscarriage, may mga kababaihang gumamit ng Serpentina para magdugo sila na nauwi sa multiple organ failure … na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.)
Tinukoy ni Senator Pia Cayetano, sponsor ng DOH budget, na rehistrado ang Serpentina bilang food supplement sa Food and Drug Administration (FDA) at malinaw sa packaging na wala itong “approved therapeutic claim.” Dagdag niya, nakasaad na ito’y para sa mga kondisyon gaya ng hypertension at sakit ng ulo.
“[If] it is being used as abortifacient, that is what they call ‘off label use.’ Because it is being promoted for headaches and the like, and yet, I don’t know how, but for some reason, some people get their hands on it and they are using it for another cause. As Your Honor has correctly pointed out, if it is being used as abortifacient, then it’s not meant to be,” paliwanag ni Cayetano.
(Kung ginagamit ito bilang pampalaglag, ‘off label use’ iyon. Ipino-promote ito para sa sakit ng ulo at iba pa, pero sa hindi ko alam na paraan, ginagamit ng ilan para sa ibang layunin. Tama ang inyong punto, kung pampalaglag ito ginagamit, hindi iyon ang dapat.)
Iminungkahi ni Cayetano na maglabas ng advisory ang FDA laban sa paggamit ng Serpentina bilang abortifacient. Ngunit giit ni Sotto, hindi sapat ang simpleng paalala. Aniya, mismong mga doktor ang nag-ulat na may mga pasyenteng edad 15 hanggang 41 na dinala sa emergency rooms dahil sa komplikasyon matapos gumamit ng naturang supplement.
“You must monitor. The DOH, through the FDA, must monitor these adverse effects of these herbal medicines or supplements,” ani Sotto.
(Kailangan ninyong bantayan. Ang DOH, sa pamamagitan ng FDA, ay dapat mag-monitor ng mga masamang epekto ng mga herbal medicines o supplements.)
Binanggit ni Cayetano na may umiiral na polisiya para sa mga gamot ngunit wala pa para sa food supplements. Aniya, maaaring isama sa legislative priorities ang paggawa ng batas para rito.
Bukod sa isyu ng Serpentina, muling iginiit ni Sotto ang pagdami ng mga ilegal na abortion services na hayagang ina-advertise sa Facebook. Ipinakita pa niya ang mga screenshot ng mga alok na may lokal na numero at address.
“Taon-taon na lang tinatanong ko ito e’. Your Honor, Mr. President, naglipana iyong abortion facilities, services, products, medicine, at kung ano-ano. Ngayon, naging mas agresibo pa sila. Nasa Facebook na. Lantarang inquiry at pag-aalok ng abortion,” ani Sotto.
Nilinaw ni Cayetano na kinikilala ng DOH na krimen ang abortion at dapat itong hawakan ng law enforcement agencies gaya ng PNP at NBI. Bagaman walang kapangyarihang pulisya ang DOH, maaari nitong alertuhin ang mga awtoridad at makipag-ugnayan sa kanila.
Sa huli, iginiit ni Sotto na huwag hintayin ng DOH na dumami pa ang reklamo bago kumilos. Aniya, dapat ay aktibong bantayan at sugpuin ang mga operasyon na naglalagay sa panganib sa buhay ng kababaihan.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
