Tingnan: Batang Maynila athletes, tumanggap ng ₱5,000-₱10,000 na bonus mula sa lungsod
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-18 00:12:58
MANILA — Binati at pinasalamatan ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang mga batang atleta ng Lungsod ng Maynila matapos sa kamangha-manghang tagumpay ng lungsod sa katatapos na Batang Pinoy, kung saan humakot ang mga atleta ng kabuuang 43 gold medals. Ang makabuluhang resulta ang nagtulak sa Maynila mula Rank 84 patungong Rank 5, isang malaking pag-angat sa pambansang kompetisyon.
Sa isang mensahe sa mga atleta, inihayag ni Mayor Isko ang pamimigay ng bonus para sa bawat medalya bilang pagkilala sa kanilang sipag, tiyaga, at dedikasyon. “Lahat kayo tatanggap ng tig-₱10,000 — ₱10,000 sa gold, ₱5,000 sa silver, ₱5,000 sa bronze. Galingan n’yo, pasensiya na kayo, kakaunti lang ‘yan… gusto ko lang kahit paano meron kayo maiuwi, treat yourself, after those hardwork, puyat, pagod, practice, and so on and so forth,” ani Mayor Isko.
Hamon pa niya ang kabataan na itaas pa ang antas ng kanilang tagumpay sa susunod na taon:
“Next year, kaya n’yo ba mag-number one? Nagawa n’yo nga ‘yung parang imposible — from no. 84 to no. 5, tingin ko hindi imposible na mabalik sa number 1 ang Maynila. Through the guidance of your parents, coach and your dedication, tingin ko next year, madadale natin ‘yun.”
Ayon sa alkalde, ang pagbibigay ng bonus ay simbolo lamang ng pasasalamat sa sipag at determinasyon ng mga batang atleta, na nagsilbing inspirasyon sa buong lungsod. Dagdag pa niya, mahalaga ring patuloy na suportahan ng lokal na pamahalaan ang sports development upang lalong mapaunlad ang talento ng kabataan at maitaguyod ang pangalan ng Maynila sa pambansang entablado. (Larawan: Manila PIO / Facebook)
