Diskurso PH
Translate the website into your language:

AFP, sinisilip ang pondo ng UPI rally — posibleng may banyagang suporta?

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-19 12:42:50 AFP, sinisilip ang pondo ng UPI rally — posibleng may banyagang suporta?

NOBYEMBRE 19, 2025 — Nagbukas ng imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa umano’y kakaibang suporta sa rally ng United People’s Initiative (UPI) na ginanap sa People Power Monument sa Quezon City nitong nakaraang weekend.

Ayon kay Acting AFP Spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, kapansin-pansin ang antas ng paghahanda at gastusin sa naturang pagtitipon. 

“On the monitoring of the AFP for these different activities to ensure the safety and protection of those involved, we have noted that the support system was unusual when it comes to administrative requirements or administrative support given to the participants of the rally,” pahayag ni Trinidad sa press briefing sa Camp Aguinaldo. 

(Sa pagmamanman ng AFP sa iba’t ibang aktibidad para matiyak ang kaligtasan ng mga dumalo, napansin naming kakaiba ang suportang ibinigay sa mga kalahok ng rally.)

Binanggit ng opisyal na hindi pangkaraniwan ang kalidad ng pagkain at mga pasilidad na inihanda. 

“The way it was organized, the support system, the food and the other ancillary equipment or facilities needed, it was organized — it was grand (Kung paano ito inorganisa, ang sistema ng suporta, ang pagkain at iba pang kagamitan, maayos — engrande). Ika nga, grande ang preparasyon,” dagdag ni Trinidad. 

Hindi pinangalanan ang mga brand na lumahok, ngunit iginiit ng AFP na sinusuri nila kung lokal na grupo o banyagang pondo ang nasa likod ng naturang rally. 

“Without going to specific names or brands, you will be able to see based on the catering or the food provided. This will give us an indication of the support system or the funding of the activity,” ani Trinidad. 

(Kahit hindi banggitin ang mga pangalan o brand, makikita sa catering o pagkain ang indikasyon ng pinagmulan ng suporta o pondo ng aktibidad.)

Mabilis namang itinanggi ng UPI convenor na si retired Major General Romeo Poquiz ang alegasyon. 

Sa kanyang Facebook post, sinabi niya: “Anong foreign funding? Hindi nga namin mapakain lahat ng nag-aattend ng rally namin.” 



(Larawan: Philippine News Agency)