Comelec, maghahain ng SCO kay Marcoleta dahil sa non-disclosure ng 2025 campaign donors
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-20 12:28:53
NOBYEMBRE 19, 2025 — Maglalabas ng show-cause order (SCO) ang Commission on Elections (Comelec) laban kay Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng umano’y hindi pagdeklara ng ilang campaign donors sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa halalan noong Mayo 2025. Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, layon ng kautusan na bigyan ng pagkakataon si Marcoleta na ipaliwanag ang mga nakitang pagkakaiba sa kanyang SOCE at Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
"Para may venue ng pagpapaliwanag at matingnan ang mga documents, magi-issue kami ng show cause order," ani Garcia.
Batay sa SOCE, gumastos si Marcoleta ng mahigit ₱139.9 milyon sa kampanya, samantalang nasa ₱51.9 milyon lamang ang kanyang net worth sa SALN. Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng senador na hindi niya isinama ang mga kontribusyon mula sa mga kaibigan dahil nais umano ng mga ito na manatiling anonymous.
"Siya din nagsabi na dahilan bakit hindi nailagay ... Tiningnan namin at nakita na 'yung amount na mentioned na gastos ay 'yun talaga naman. Kung saan galing or paano pinanggalingan, 'yun ang gusto namin malaman," dagdag ni Garcia.
Binanggit pa ni Garcia na malinaw sa Omnibus Election Code na obligadong iulat ng lahat ng kandidato ang kanilang natanggap na donasyon at ginastos sa loob ng itinakdang panahon. Ang hindi tamang impormasyon sa SOCE ay maaaring magresulta sa kasong perjury.
Sa hiwalay na panayam, iginiit ni Garcia na ang hakbang ay hindi para parusahan agad si Marcoleta kundi upang tiyakin ang patas na proseso.
"Maganda rin magkaroon ng paliwanag kasi syempre ang Comelec para lang ipakita natin sa lahat na kami naman ay fair to everybody at kung may mga ganyang klase na alingasngas, kontrobersiya maganda na malaman din natin," aniya.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
