Cong. Leviste, naglabas ng ebidensya laban kay CWS Partylist Rep. Edwin Gardiola
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-19 22:40:42
MANILA, Philippines — Naglabas ngayong araw si Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste ng bagong dokumentong umano’y nagpapatunay na “pre-ordered” ni Construction Workers Solidarity Partylist Rep. Edwin Gardiola ang mahigit ₱20 bilyong kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) bago pa maaprubahan ang 2025 National Expenditure Program (NEP) sa Kongreso.
Ayon kay Leviste, listahan mula sa opisina ni dating DPWH Undersecretary Cathy Cabral na may petsang Agosto 30, 2024 ang naglalaman ng mga proyektong kalaunan ay na-award sa mga kumpanyang konektado kay Gardiola. Iginiit niyang dapat ipaliwanag nina Cabral at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan kung bakit nakalista na ang mga proyekto noong 2024 kahit 2025 lamang ito opisyal na iginawad.
Kabilang sa dokumento ang halos ₱800 milyon sa mga proyektong kalsada sa Tuy at Calatagan, Batangas, na napunta sa Readycon Trading and Construction Corporation at S-Ang Construction & General Trading Inc. Habang pagmamay-ari ng pamilya ni Gardiola ang S-Ang, sinabi ni Leviste na “ginawa at iminungkahi” rin para kay Gardiola ang proyekto ng Readycon.
Batay sa pananaliksik ng kanyang tanggapan, tinatayang ₱42 bilyon ng DPWH contracts ang naiuwi ng mga kumpanyang nakapangalan sa pamilya ni Gardiola mula 2001 hanggang 2025, at mahigit ₱100 bilyon kung isasama ang mga kumpanyang hindi nakapangalan sa kanya ngunit konektado sa kanyang operasyon.
Ibinahagi ni Leviste ang nasabing listahan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), na aniya’y ngayon lamang nakakita ng dokumentong nag-uugnay sa project proponents at contractors — bagay na matagal na nilang hindi makuha sa DPWH. Ayon din sa ICI, ito ang unang pagkakataon na lumutang nang direkta ang pangalan ni Gardiola sa kanilang imbestigasyon.
Pinangalanan umano ni ICI Commissioner Rogelio Singson si Gardiola bilang ikalawang pinakamalaking DPWH contractor sa bansa, kasunod ni Zaldy Co at mas malaki pa kumpara sa Discaya family. Ayon kay Leviste, “may agam-agam ang publiko” kung bakit tila hindi natitira si Gardiola sa imbestigasyon, ngunit nagpapasalamat siya na nagsisimula na ang Ombudsman at Kongreso na busisiin ang naturang usapin.
Dumalo sa press conference si dating Mataasnakahoy Mayor Jay Manalo Ilagan, tubong bayan ni Gardiola, na nagsabing nakatanggap na siya ng subpoena mula sa Ombudsman upang magpasa ng karagdagang ebidensiya. Umaasa umano siya na si Gardiola ay “mapapabilang sa unang kakasuhan,” at iginiit na ito ang “pinakamalaking buyer of DPWH projects” sa bansa. (Larawan: Leandro Legarda Leviste / Facebook)
