Isang endemic species na Palawan leopard cat, natagpuang patay sa harap ng isang eskwelahan sa Palawan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-19 23:32:06
PALAWAN — Natagpuang patay ang isang Palawan Leopard Cat sa tapat ng Pinaglabanan Elementary School sa Brgy. Pinaglabanan, Quezon, Palawan, noong Lunes, Nobyembre 18. Pinaniniwalaang nasagasaan ito ng isang hindi pa nakikilalang sasakyan na agad umanong tumakas matapos ang insidente.
Kinilala ang nakakita at nagbahagi ng larawan sa social media na si Angel Nigwan Laki, na nagpaabot ng matinding panghihinayang dahil hindi nila na-rescue ang hayop habang ito ay buhay pa. Ayon sa kanya, hindi nila inasahan na makakakita ng ganitong uri ng hayop nang malapitan, lalo pa sa mismong lugar na malapit sa paaralan.
“Nasagasahan sa harap ng Pinaglabanan Elementary School… hindi namin akalain na makikita kami nito in person. Laking panghihinayang namin dahil ‘di namin na-rescue buhay niya,” pahayag ni Laki.
Ang Palawan Leopard Cat ay isang endemic species na matatagpuan lamang sa Palawan. Ito ay classified bilang “vulnerable” o nanganganib maubos dahil sa habitat loss, illegal hunting, at road accidents, ayon sa mga pag-aaral ng environmental groups.
Nagpapaalala naman ang mga tagapagtaguyod ng wildlife conservation na maging maingat ang mga motorista lalo na sa mga lugar na malapit sa kagubatan o tirahan ng mga hayop. Umapela rin sila sa pamahalaan at lokal na komunidad na magpatupad ng wildlife crossing signs at mas mahigpit na batas sa pangangalaga ng mga endangered species.
Sa ngayon, nananawagan ang mga residente sa lokal na pamahalaan na matulungan silang maimbestigahan ang insidente at magkaroon ng mas maigting na kampanya para sa proteksyon ng wildlife sa kanilang lugar. Ang insidente ay nagsisilbing paalala ng kahalagahan ng pag-iingat sa mga hayop na katutubo sa Palawan—mga hayop na hindi lamang mahalaga sa ekolohiya, kundi bahagi rin ng pagkakakilanlan ng lalawigan. (Larawan: Angel Nigwan Laki / Facebook)
