Misis kulong matapos ibuyangyang online ang sensitibong larawan ng kabit ni mister
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-19 08:24:20
Nobyembre 18, 2025 - Inaresto ng Marikina City Police ang isang 32-anyos na babae noong Linggo matapos niyang ipakalat sa social media ang sensitibong larawan ng umano’y kabit ng kanyang mister.
Ayon kay Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina City Police, “Ito po kasi ay nag-ugat sa kanyang pagdududa sa kanyang asawa na ito ay may karelasyon. Eventually, napatunayan nga niya na mayroon nga itong medyo kinahuhumalingan na ibang babae at doon mismo niya nakita sa cellphone ng lalaki na may mga hindi magandang pictures.”
Matapos matuklasan ang mga larawan sa cellphone ng kanyang asawa, kinopya ng suspek ang mga ito at ipinost sa social media. Tinukoy ng mga awtoridad ang ginawa bilang paglabag sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, partikular sa probisyon ng unlawful or prohibited acts of libel and violation of privacy.
Nagpahayag ang biktima ng matinding pagkabahala at kahihiyan sa insidente. Agad siyang nagsampa ng reklamo sa pulisya matapos matuklasan ang pagkalat ng kanyang mga larawan. Sinabi ng mga imbestigador na hindi nagbigay ng pahintulot ang biktima sa pagkuha at pagpapakalat ng mga sensitibong larawan.
Kasalukuyang nakadetine ang suspek habang hinihintay ang pagsasampa ng pormal na kaso. Ayon sa pulisya, maaari siyang maharap sa six to twelve years na pagkakakulong kung mapatunayang nagkasala.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na irespeto ang privacy ng bawat indibidwal at huwag gamitin ang social media bilang kasangkapan sa paghihiganti. “Ang paglabag sa privacy ay may kaakibat na parusa. Hindi ito dapat gawing emosyonal na hakbang sa gitna ng problema sa relasyon,” dagdag ni Col. Tecson.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang kaso upang matukoy kung may iba pang sangkot sa pagpapakalat ng mga larawan.
