Orly Guteza, puwersahang pinabawi ang salaysay — Mike Defensor
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-19 12:44:53
NOBYEMBRE 19, 2025 — Nagpahayag si dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na pinilit umano si Orly Guteza, pangunahing saksi sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa maanomalyang flood control projects, na bawiin ang kanyang naunang pahayag na nag-uugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez sa katiwalian.
Ayon kay Defensor, mismong pamilya ni Guteza ang nag-abot ng impormasyon sa kanya tungkol sa pagbawi ng testimonya.
“Talagang nangyari na napa-recant nila, pinapirma na nila ng ibang affidavit si Guteza,” aniya.
Noong Setyembre, iginiit ni Guteza na siya mismo ang nagdala ng maleta ng pera sa mga tirahan nina Zaldy Co at Romualdez. Ngunit lumabas umano ang isang video kung saan binawi ng saksi ang naunang pahayag at sinabing inalok siya ng pera nina Defensor at Sen. Rodante Marcoleta.
Sa kabila nito, iginiit ni Defensor na hindi malinaw kung sino ang nasa likod ng pagbawi ng testimonya.
“Ang gagawa lang niyan 'yung makikinabang doon sa recantation niya. Hindi ko sinasabing ginawa ng mga sundalo ito. Napag-utusan din lang 'yang mga 'yan pero sigurado ako may nasa likod niyan na talagang ayaw 'yung naging testimony,” dagdag niya.
Samantala, nananatiling palaisipan ang kinaroroonan ni Guteza. Ayon kay Defensor, huling balita niya ay nasa pangangalaga ng intelligence group ng Marines ang saksi, bagay na agad pinabulaanan ng Philippine Navy. Sinabi ni Navy spokesperson Capt. Marissa Martinez na hindi nakita si Guteza sa inspeksiyon sa punong himpilan ng Navy at Marine Corps.
Dagdag pa ni Defensor, matapos kumpirmahin ni Co sa Senado na totoo ang naunang pahayag ni Guteza, bigla na lamang itong nawala.
“Ang nangyari sa ngayon, nagpapaabot lang ng mensahe 'yung pamilya … magmula doon, hindi na namin alam saan siya nagpunta, mukhang nawala na naman, itinago na naman,” aniya.
Sinabi rin ni Defensor na itinago na nila ang pamilya ni Guteza para sa kanilang kaligtasan.
(Larawan: Philippine News Agency)
