Pasa sa katawan, pero foul play di pa kumpirmado sa biglaang pagpanaw ni Gina Lima
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-19 08:24:21
Nobyembre 18, 2025 — Isinugod ng dating nobyo si Gina Lima, isang 23-anyos na freelance model at Vivamax talent, sa Quezon City General Hospital noong Nobyembre 16, ngunit idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor. Natagpuan siyang walang malay sa condominium unit ng kanyang ex-boyfriend sa Quezon City bandang alas-8 ng gabi.
Ikinuwento ni Police Major Jennifer Gannaban ng QCPD Station 1, “N’ung tiningnan niya ‘yung katabi niya, parang wala nang buhay, kaya isinugod na sa ospital.” Dagdag pa niya,
“Hospital po mismo ‘yung tumawag sa Police Station 1 na nagsasabing may insidente na ganun, kaya pinuntahan po ng Station 1 at ‘yun nga po ‘yung nailagay nila sa report”.
Sinabi ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) na patuloy nilang iniimbestigahan ang insidente. Ayon kay PLtCol. Edison Ouano, hepe ng CIDU, “So far, wala pang sinasabi ‘yung mga kapatid kung may banta na sinaktan siya physically prior to the incident”.
Naglabas ng salaysay ang ilang kaibigan ni Lima sa social media, kung saan iginiit nilang posibleng sinaktan siya bago isinugod sa ospital. Gayunman, hindi pa kinukumpirma ng mga awtoridad ang anumang foul play.
Nakita sa paunang pagsusuri ang ilang pasa sa katawan ni Lima, ngunit wala pang matibay na ebidensiya ng pananakit. Isasagawa pa ang autopsy upang matukoy ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Samantala, tumangging magbigay ng pahayag sa media ang mga kapatid ni Lima at ang ama ng dating nobyo nang dumating sila sa CIDU office para sa imbestigasyon.
Nagdadalamhati ang mga tagahanga at kaibigan ni Lima sa kanyang biglaang pagpanaw. Sa kabila ng mga espekulasyon, nananawagan ang mga awtoridad na hintayin ang resulta ng imbestigasyon at autopsy bago bumuo ng konklusyon.
Larawan mula Gina Lima Facebook
