Pulong Duterte bumanat: House probe vs ₱100B budget insertions hiniling agad
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-19 18:17:23
Nobyembre 19, 2025 — Hiniling ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte ang agarang imbestigasyon ng House of Representatives kaugnay ng mga alegasyon ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na mayroong ₱100 bilyong budget insertions sa 2025 national budget na umano’y iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sinang-ayunan ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa House Resolution No. 488 na isinampa noong Nobyembre 18, iginiit ni Duterte na dapat silipin ng Kongreso ang mga “disturbing allegations” na inilabas ni Co sa tatlong magkakasunod na video.
Ayon sa resolusyon, “The sheer scale and detail of these allegations may not be overlooked as these disturbing disclosures also point to the interference of the Office of the President contrary to the principles of transparency and separation of powers”.
Binanggit din ni Duterte ang umano’y 25% kickback na sinasabing tinanggap ng Pangulo mula sa mga proyekto, pati na ang alegasyon ng cash-filled suitcases na dinala sa tanggapan ni Romualdez.
“These claims cast serious doubts on the integrity of the budget process and raise questions about possible undue influence in legislative budgeting,” dagdag niya sa resolusyon.
Bagama’t maraming miyembro ng House majority bloc ang nagsabing hindi dapat seryosohin ang mga pahayag ni Co dahil hindi ito ginawa sa ilalim ng panunumpa, nanindigan si Duterte na nararapat pa ring imbestigahan ito sa ngalan ng transparency at accountability.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na tugon ang Malacañang o ang kampo nina Marcos at Romualdez ukol sa resolusyon. Samantala, nanawagan ang ilang mambabatas na hintayin ang pormal na pagdinig bago bumuo ng konklusyon.
Ang panukalang imbestigasyon ay inaasahang idadaan sa Committee on Good Government and Public Accountability sa mga susunod na linggo.
