Torre handang arestuhin si Bato: ‘I work on orders’
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-19 08:24:22
Nobyembre 18, 2025 — Ipinahayag ni dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III na handa siyang arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kung ipag-uutos ito ng awtoridad.
Sa isang panayam, sinabi ni Torre, “Since Day One of my police career, which is May 1, 1991, I work on orders. Up to this moment, I still work on orders. What was the last order I received, Termination of designation.”
Naglabas ng pahayag si Torre matapos kumpirmahin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hawak na niya ang kopya ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay dela Rosa.
Iniuugnay ng ICC si dela Rosa sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong siya’y hepe ng pulisya sa Davao City at sa buong bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Bago ang pahayag na ito, naging sentro ng pambansang atensyon si Torre matapos niyang pangunahan ang pag-aresto kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at televangelist Apollo Quiboloy dahil sa mga kasong may kaugnayan sa karapatang pantao.
Sa hiwalay na panayam, sinabi rin ni Torre na gumagawa ng contingency plans ang PNP sakaling ipatupad ang arrest warrant mula sa ICC. “We’ll cross the bridge when we get there,” ani Torre. “But obviously we are also making contingencies na kapag may nangyaring ganito ano ang ating gagawin”.
Tumanggi si Torre na magbigay ng detalye sa mga plano ng PNP, ngunit iginiit niyang handa silang kumilos kung kinakailangan. “It’s just not proper to discuss it at the moment. It’s really something that has to be acted upon once it’s there,” dagdag niya.
Patuloy ang imbestigasyon ng ICC sa mga alegasyon ng extrajudicial killings sa ilalim ng kampanya kontra droga ng dating administrasyon. Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si dating Pangulong Duterte sa The Hague, Netherlands, matapos siyang arestuhin noong Marso 11 sa NAIA pagdating mula Hong Kong.
