Diskurso PH
Translate the website into your language:

Vice Mayor Arlene Genove: Sangguniang Bayan ng Sariaya, tutol sa windmill project kung makakasama sa kalikasan at sa tao

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-19 22:58:57 Vice Mayor Arlene Genove: Sangguniang Bayan ng Sariaya, tutol sa windmill project kung makakasama sa kalikasan at sa tao

SARIAYA, Quezon Province — Tiniyak ni Sariaya Vice Mayor Arlene Genove na hindi tututol ang lokal na pamahalaan sa anumang proyekto ng pag-unlad, ngunit hindi rin nila ito papayagan kung malinaw na makasasama sa kapaligiran at sa mga residente, kabilang ang napapabalitang pagtatayo ng windmill sa kabundukan ng bayan.

Sa isang pahayag na inilathala sa kanyang opisyal na Facebook page, nilinaw ni Genove na wala pang opisyal na dokumento o anumang proposal na dumaan sa Sangguniang Bayan hinggil sa proyekto. Gayunpaman, malinaw aniya ang magiging posisyon ng Sangguniang Bayan sakaling magkaroon ng pormal na aplikasyon.

“Hindi po kami tutol sa kaunlaran. Ang hangarin lamang natin ay tiyaking ang anumang proyekto ay hindi makapipinsala sa kalikasan at sa kapakanan ng ating mga kababayan,” saad ng pangalawang alkalde.

Dagdag pa ni Genove, hindi sila magbibigay ng anumang pag-apruba kung makikitang may panganib sa kabundukan ng Mt. Banahaw, mga watershed, o sa kabuhayan ng mga komunidad, partikular na sa agrikultura at turismo — dalawang sektor na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan sa Sariaya.

Matatandaang kapwa nagpahayag na ng pagtutol ang mga pamahalaang lokal ng Lucban at Tayabas City kaugnay ng parehong proyektong windmill. Ayon sa kanila, hindi dapat ipagsawalang-bahala ang banta sa eco-tourism at natural resources ng mga lugar na nasa paligid ng Banahaw.

Sa ngayon, nananatiling bukas ang Sangguniang Bayan sa pagtalakay, ngunit mariin nitong iginiit na kapakanan ng mamamayan at kalikasan ang magiging pangunahing batayan ng kanilang desisyon. (Larawan: Vice Mayor Arlene Genove / Facebook)