Diskurso PH
Translate the website into your language:

First Family feud umarangkada: PBBM ‘labis na dismayado’ sa drug claim ni Imee

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-20 09:23:17 First Family feud umarangkada: PBBM ‘labis na dismayado’ sa drug claim ni Imee

Nobyembre 20, 2025 — Ipinahayag ng Malacañang na labis na dismayado si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paratang ng kanyang kapatid na si Senador Imee Marcos ukol sa umano’y paggamit ng ilegal na droga ng First Family. 

Sa panayam, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, “Dismayado po ang Pangulo, dismayado na umabot sa ganitong kasinungalingan ang ginawa ng kaniyang kapatid”.

Nag-ugat ang kontrobersiya sa naging talumpati ni Imee Marcos sa rally ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand noong Nobyembre 17, kung saan binanggit niya ang alegasyon ng drug use ng kanyang kapatid. Hinamon pa niya ang First Family na sumailalim sa hair follicle drug test upang patunayan ang kanilang kalinisan.

Tinawag ng Palasyo ang hakbang ni Imee bilang isang “desperate move” na layong siraan ang Pangulo. “The President is disappointed that his sister has gone so far and resorted to such a lie,” dagdag ni Castro.

Samantala, nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na mananatili itong tapat sa Konstitusyon sa kabila ng mga alegasyon. Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, “Ang PNP po ay isang professional, non-partisan organization, at kami ay mananatiling loyal sa Konstitusyon at sa chain of command. Ang PNP ay hindi makikihalo sa usaping pampulitika”.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Senador Imee Marcos matapos ang reaksiyon ng Palasyo, ngunit patuloy ang pag-usisa ng publiko sa motibo at batayan ng kanyang mga pahayag. Sa kabila ng tensyon sa pagitan ng magkapatid, nananatiling tahimik ang iba pang miyembro ng pamilya Marcos ukol sa isyu.

Larawan mula BowerGroupAsia