Net worth ni PBBM lumobo ng 1,600% — mula ₱79M tungong ₱1.375B sa 19 taon
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-20 09:23:14
Nobyembre 20, 2025 — Lumobo ng higit 1,600% ang net worth ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa loob ng halos dalawang dekada—mula ₱79 milyon noong 2005 bilang gobernador ng Ilocos Norte, tungong ₱1.375 bilyon sa pagtatapos ng 2024 bilang Pangulo ng bansa.
Batay sa ulat, ibinunyag sa programang 24 Oras ang pagsusuri ng GMA News Research gamit ang mga dokumento ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Marcos at ang appraisal ng Cuervo Appraisers, Inc., isang pribadong kumpanya ng asset valuation na sumusuri sa mga ari-arian ng pamilya Marcos–Araneta mula pa noong 1997.
Ayon sa ulat, “Marcos declared a net worth of P79 million in 2005 and P1.375 billion on December 31, 2024.” Ang halagang ito ay batay sa appraisal ng Cuervo, na isinama ni Marcos sa kanyang SALN bilang karagdagang dokumento.
Sa ilalim ng opisyal na pamantayan ng Civil Service Commission (CSC), iniulat din ni Marcos ang net worth na ₱389.357 milyon para sa 2024, na mas mababa kaysa sa appraisal-based figure.
Sa pagitan ng 2005 at 2024, unti-unting tumaas ang yaman ng Pangulo: ₱120 milyon noong 2007, ₱180 milyon noong 2008, ₱619 milyon sa pagtatapos ng kanyang termino bilang senador noong 2016, at ₱908 milyon noong 2022 bago siya mahalal bilang Pangulo.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Malacañang ukol sa malaking pagtaas ng net worth ni Marcos, ngunit iginiit ng mga tagapagsalita ng Pangulo sa mga naunang panayam na legal at deklarado ang lahat ng kanyang ari-arian.
Samantala, nananawagan ang mga grupong nagsusulong ng transparency na gawing mas bukas at accessible sa publiko ang mga SALN ng mga opisyal ng gobyerno. Ayon sa kanila, ang ganitong mga dokumento ay mahalagang kasangkapan sa pagsusuri ng integridad at pananagutan ng mga nasa kapangyarihan.
