Sinampay muna, motor sunod — modus ng magnanakaw bistado sa CCTV
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-20 09:23:21
Nobyembre 20, 2025 — Naaresto ang isang lalaki sa Marikina City matapos siyang maaktuhang nagnanakaw ng sinampay at kalaunan ay tumangay ng isang motorsiklo sa parehong lugar.
Ayon sa ulat, una munang sinungkit ng suspek ang ilang piraso ng damit na nakasampay sa labas ng isang bahay bago niya tinarget ang motorsiklong nakaparada sa kalye.
Makikita sa CCTV footage na bitbit ng suspek ang mga ninakaw na damit habang palihim na nilalapitan ang motorsiklo. Ilang sandali pa’y pinilit niyang paandarin ito at mabilis na tumakas. Agad namang nagresponde ang mga awtoridad matapos i-report ng may-ari ang insidente.
Naaresto ang suspek sa follow-up operation ng mga pulis sa parehong barangay. Narekober mula sa kanya ang mga ninakaw na damit at ang motorsiklo. Ayon sa pulisya, may mga nauna nang kaso ang suspek na may kaugnayan din sa pagnanakaw.
“Hindi lang ito simpleng pagnanakaw ng sinampay. May intensyon talaga siyang magnakaw ng mas mahalagang gamit, gaya ng motorsiklo,” pahayag ng isang opisyal ng Marikina Police.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong theft at motor vehicle theft. Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na maging mapagmatyag at tiyaking ligtas ang kanilang mga ari-arian, lalo na sa mga pampublikong lugar.
Larawan mula ABS-CBN News
