57 buto umano ng tao narekober sa Taal Lake
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-21 09:30:32
Nobyembre 21, 2025 - Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nakarekober ang mga awtoridad ng kabuuang 57 piraso ng umano’y buto ng tao mula sa Taal Lake sa Batangas, kaugnay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Isinagawa ang retrieval operations ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit ng CALABARZON mula Nobyembre 6 hanggang Nobyembre 18, 2025.
Ayon sa DOJ, narekober noong Nobyembre 6 ang 25 piraso ng buto. Noong Nobyembre 17, nadagdagan ito ng anim na piraso ng buto, kalakip ang ilang personal na gamit gaya ng itim na pantalon, sinturon, puting brief, at tela ng harina. Noong Nobyembre 18, muling nakapulot ang mga awtoridad ng 26 na piraso ng buto sa parehong lugar.
Sinabi ni DOJ spokesperson Polo Martinez na kasalukuyang isinasailalim sa forensic analysis ang mga narekober upang matukoy kung may kaugnayan ang mga ito sa mga sabungerong iniulat na nawawala mula 2021 hanggang 2022. Ang operasyon ay muling isinagawa matapos pansamantalang itigil noong Oktubre dahil sa masamang panahon at aktibidad ng Bulkang Taal.
Ang paghahanap ay nagsimula noong Hulyo 10, 2025, matapos ang pahayag ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan na mahigit 100 sabungero umano ang dinukot, pinaslang, at itinapon sa lawa. Sa kabila ng mga narekober, wala pa ring positibong resulta mula sa DNA analysis.
Patuloy ang koordinasyon ng DOJ sa Philippine Coast Guard, CIDG, at iba pang ahensya upang mapalawak ang imbestigasyon. Nanawagan naman ang mga pamilya ng mga nawawala ng mas mabilis na aksyon at masusing pagsusuri sa mga ebidensyang nakalap.
