Baby shark natagpuang patay; diaper nakabalot sa ulo, sanhi ng pagkakasuffocate
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-21 09:30:28
Nobyembre 21, 2025 - Isang juvenile reef shark ang natagpuang patay at palutang-lutang sa karagatan ng Sta. Cruz Island sa Zamboanga City noong Nobyembre 19, 2025. Ayon sa mga ulat may nakabalot na diaper sa ulo ng pating, na pinaniniwalaang naging sanhi ng pagkamatay nito.
Ang insidente ay unang ibinahagi ng diver at environmental advocate na si Harvey Yap, na nakasaksi sa patay na pating habang sakay ng bangka papunta sa Sta. Cruz Island. Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Yap, “This is the third time I’ve encountered a juvenile reef shark in Sta. Cruz in my 15 years of diving here, and sadly, this one suffocated from a diaper wrapped around its head.”
Hindi na nakuha ni Yap ang katawan ng pating dahil sa malalakas na alon, ngunit malinaw sa kanyang video na may diaper na nakasaklob sa ulo ng hayop. Ayon sa kanya, ito ang unang pagkakataon sa loob ng 15 taon ng kanyang pagsisid sa lugar na nakakita siya ng reef shark na namatay dahil sa basura.
Dagdag pa ni Yap, lumalala ang problema ng polusyon sa karagatan ng Zamboanga, partikular na ang pagdami ng mga plastic, diaper, at lubid na nagiging banta sa mga coral reef at yamang-dagat. “The garbage problem is worsening. Diapers, plastics, and ropes are everywhere,” aniya.
Ang Sta. Cruz Island ay kilala bilang isang marine protected area at popular na diving site sa Zamboanga City. Gayunpaman, ayon sa mga lokal na environmental groups, patuloy ang pagdami ng basura sa lugar, na kadalasang galing sa mga coastal communities at mga bisita.
Sa panig ng lokal na pamahalaan, nanawagan ang mga opisyal ng mas mahigpit na pagpapatupad ng solid waste management policies at mas pinaigting na edukasyon sa publiko ukol sa epekto ng basura sa kalikasan.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region IX, magsasagawa sila ng imbestigasyon at cleanup operations sa paligid ng Sta. Cruz Island.
Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa lumalalang epekto ng marine pollution sa mga hayop sa dagat. Nanawagan ang mga environmental advocates sa publiko na iwasan ang pagtatapon ng basura sa karagatan at suportahan ang mga inisyatibo para sa pangangalaga ng kalikasan.
