Correctional Institution for Women, handa nang tanggapin si Alice Guo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-21 15:12:44
NOBYEMBRE 21, 2025 — Nakatakdang ilipat sa Correctional Institution for Women (CIW) si dating Bamban, Tarlac mayor Alice L. Guo matapos siyang hatulan ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 167 ng habangbuhay na pagkakakulong dahil sa kasong qualified human trafficking.
Kasama ni Guo sa hatol ang tatlong iba pa: Rachelle Malonzo Carreon, Jaimielyn Cruz, at Walter Wong Rong. Ang grupo ay napatunayang sangkot sa operasyon ng ipinagbawal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban, na naging sentro ng malawakang human trafficking.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., nakahanda na ang CIW sa paglipat ni Guo.
“They already deployed an additional Corrections Emergency Response Team to ensure peace and order within the facilities,” ulat ni CIW Corrections Technical Superintendent Marjorie Ann Sanidad.
(Nagpadala na sila ng karagdagang Corrections Emergency Response Team upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa loob ng pasilidad.)
Batay sa itinakdang proseso ng BuCor, tatanggapin muna si Guo ng Reception and Diagnostic Center (RDC) ng CIW. Dito susuriin ang kanyang mga dokumento at personal na gamit. Isasailalim siya sa limang araw na quarantine at masusing medikal na pagsusuri bago ilipat sa regular na dormitoryo ng RDC.
Sa loob ng 55 araw, dadaan si Guo sa mandatory orientation, diagnostic tests, at qualification procedures. Pagkatapos ng kabuuang 60 araw, ililipat siya sa Maximum-Security Camp ng CIW, alinsunod sa hatol na habangbuhay na pagkakakulong.
Sa kasalukuyan, nananatili pa si Guo sa Pasig City Jail Dormitory habang inaayos ang kanyang paglilipat.
Ang desisyon ng korte laban kay Guo at sa kanyang mga kasamahan ay itinuturing na isa sa pinakamalaking hakbang ng pamahalaan laban sa ilegal na POGO operations na nagdulot ng matinding pang-aabuso sa mga biktima ng human trafficking.
(Larawan: Yahoo)
