Luxury car ng Discaya binili dahil sa 'historical value'
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-21 09:30:24
Nobyembre 21, 2025 - Ibinunyag ni Ladislao Matawa, ang bidder sa isinagawang public auction ng Bureau of Customs (BOC), na ang kanyang kaibigan ang tunay na bumili ng mga luxury vehicle na dating pagmamay-ari ng kontrobersyal na Discaya couple.
Ayon kay Matawa, binili ng kanyang kaibigan ang mga sasakyan hindi para sa personal na gamit kundi dahil sa kanilang “historical value.”
Tatlo sa pitong luxury vehicles na dating pagmamay-ari ng contractor couple na sina Curlee at Sarah Discaya ang matagumpay na naibenta sa isinagawang public auction ng Bureau of Customs (BOC) noong Nobyembre 20, 2025 sa Port Area, Manila.
Ang auction ay nagresulta sa kabuuang kita na ₱38.21 milyon. Kabilang sa mga naibentang sasakyan ay ang isang 2019 Mercedes-Benz G500 Brabus (₱15.5 milyon), isang 2022 Mercedes-Benz G63 AMG (₱15.61 milyon), at isang 2022 Lincoln Navigator (₱7.1 milyon).
Hindi naman naibenta ang apat pang sasakyan—Toyota Tundra, Toyota Sequoia, Bentley Bentayga, at Rolls-Royce Cullinan—dahil walang nakuhang sapat na bid. Ayon sa BOC, posibleng isalang muli ang mga ito sa susunod na auction.
Ang mga sasakyang ito ay bahagi ng 28 luxury vehicles na isinuko ng Pamilya Discaya sa ilalim ng voluntary forfeiture process matapos matuklasang walang kaukulang import documents at payment records ang mga ito.
Ang forfeiture ay isinagawa alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), partikular sa mga probisyong tumutukoy sa illegal importation at public auction ng mga nakumpiskang ari-arian.
Ang Discaya couple ay iniimbestigahan kaugnay ng umano’y multi-bilyong pisong flood control fund scam, kung saan sangkot umano ang kanilang mga kompanya sa mga maanomalyang kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa Department of Finance, layunin ng auction na maibalik sa taumbayan ang mga pondong nawawala dahil sa katiwalian, sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga nakumpiskang ari-arian at paglalagak ng kita sa mga programang panlipunan ng pamahalaan.
Larawan mula BOC
