Mga Discaya, pinabulaanan ang P7.1B tax evasion case
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-21 19:05:08
NOBYEMBRE 21, 2025 — Mariing itinanggi ng mag-asawang kontraktor na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya ang kasong P7.1 bilyong tax evasion na isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kanilang umano’y hindi nabayarang buwis mula 2018 hanggang 2021.
Ayon sa DOJ, personal na iniharap ng mag-asawa ang kanilang counter-affidavit sa panel ng mga piskal na nagsasagawa ng paunang imbestigasyon. Hindi inilabas sa publiko ang kopya ng dokumento.
Si DOJ Spokesperson at Prosecution Attorney Raphael Niccolo L. Martinez ang nagkumpirma sa pagsusumite ng mag-asawa.
“Spouses Discayas submitted their counter affidavits in relation to the cases filed by BIR for violation of Sections 263, 254 and 255 of the NIRC (National Internal Revenue Code) of 1997, as amended,” ani Martinez.
(Isinumite ng mag-asawang Discaya ang kanilang counter affidavits kaugnay sa mga kasong inihain ng BIR para sa paglabag sa Sections 263, 254 at 255 ng NIRC of 1997, na inamyendahan.)
Itinakda ng panel ang mga susunod na pagdinig: ang reply affidavit ay dapat isumite sa Disyembre 5, 2025, habang ang rejoinder affidavit ay sa Disyembre 19, 2025. Pagkatapos nito, isusumite na ang kaso para sa resolusyon.
Batay sa reklamo ng BIR, umaabot sa P7,182,172,532.25 ang kabuuang tax liability ng mag-asawa.
Tatlong set ng kaso ang isinampa: una, ang umano’y hindi pagbabayad ng kanilang personal income tax sa apat na taon; ikalawa, ang pag-divest nila sa ilang korporasyon gaya ng St. Gerrard, St. Timothy, St. Matthew, at Alpha and Omega; at ikatlo, ang hindi umano pag-file ng excise tax returns at pagbabayad ng buwis para sa siyam na luxury vehicles na nakapangalan sa kanila at sa St. Gerrard.
Sa kabila ng bigat ng akusasyon, nanindigan ang mga Discaya na walang batayan ang mga kaso. Nananatiling nakabinbin ang desisyon ng DOJ habang inaasahan ang masinsinang pagtalakay sa mga susunod na pagdinig.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
